Lexi Gonzales wary of boyfriend stealers: “Aminin na natin, marami diyan na ahas.”

Lexi Gonzales and Gil Cuerva

Ang mga binitawang salita ni Lexi Gonzales tungkol sa mga “ahas” sa showbiz ang nagpainit ng panel interview sa mediacon para sa Regal Studio Presents noong September 19, 2023.

Naungkat ang isyu nang ibahagi ni Lexi na marami na siyang naengkuwentro na mga taong maituturing na “ahas” at “plastic.”

Pag-amin niya: “Marami. At sa industriya natin, hindi naman mawawala yan.

“Pero, ano kasi, minsan alam natin kung dapat ang battles natin. We must choose our battles.”

Sabay natawang hirit ni Lexi, “Maraming tao who will drag you down. Gustong agawin ang boyfriend mo.”

Hindi naman daw siya basta pumapatol sa mga “ahas” at “plastic.”

Aniya, “Pipiliin mo na lang kung saan ka lalaban. Kasi, kung hindi naman worth it, ba’t mo lalabanan?”

Nilinaw naman ni Lexi na secure siya sa relasyon nila ng kapwa aktor na si Gil Cuerva.

Naungkat ang isyu tungkol sa mga “ahas” sa relasyon nang ipaliwanag ni Lexi na hindi hadlang ang pagkakaroon niya ng ibang ka-love team sa relasyon nila ng aktor na si Gil Cuerva.

Ayon kay Lexi, “Ako kasi, with loyalty, comes trust, e. Importante talaga sa relationship ang tiwala.

“Lalo na sa industriya natin, di ba? Aminin na natin, marami diyan na ahas. Marami diyan na mga plastic.

“Pero, nasa sa ‘yo na yan, e, if you trust your partner.”

Sa kaso nila ni Gil, malaki raw ang tiwala nila sa isa’t isa.

“Kami kasi ni Gil, we’re in the same industry. Pareho kaming actors, so naiintindihan namin ang isa’tisa.

“I trust him, the same way na he trusts me. At dahil do’n sa tiwalang ‘yon, meron kaming loyalty sa isa’t isa.”

ON LEXI’S TEAMUP WITH YASSER MATA

Sa mediacon ng Regal Studio Presents, inilunsad ang tambalan ni Lexi at Yasser Mata.

Lahad ni Lexi, hindi siya namimili kung sino man ang ipareha sa kanya.

“Sanay naman akong napa-partner sa different leading men. Like my last Regal Studio Presents, I was with Abdul Rahman and also with Dustin Yu.

Dagdag ni Lexi, “Mapa-babae man yan, lalaki, bakla, tomboy, butiki, baboy, kahit ano, I’m okay. Basta trabaho.”

Basta nagpapasalamat daw si Lexi na suki pa rin siya sa Regal Studio Presents

Ang Regal Studio Presents ay drama anthology na collaboration ng Regal Entertainment at GMA-7.

Sa ikalawang anibersaryo ng show, ang mga aabangang episodes ay pagbibidahan nina Lexi at Yasser, Dustin Yu at Shayne Sava, at Will Ashley at Althea Ablan.

Kasama rin sina Yasser, Dustin, Shayne, Will, at Althea na humarap sa mediacon.

SHAYNE SAVA

Katulad ni Lexi, si Shayne ay suki na rin ng Regal Studio Presents sa nakalipas na dalawang taon.

Si Shayne ang Ultimate Female Survivor ng StarStruck Batch 7, ang reality talent search ng Kapuso Network.

Sabi nI Shayne: “Sobrang happy po ako kasi every time na nagte-taping po ako ng Regal Studio Presents, super fun lang, light, and parehas din po sa mga drama series na ginagawa ko po.

“I get to experience yung mga characters po na malayung-malayo sa iba ko pong drama series.”

Nang siya naman ang tanungin kung may karanasan siya sa ahas o plastic, sumagot ng “meron po” si Shayne.

Pero hindi raw sa romantic relationship, dahil wala siyang nobyo sa ngayon.

“Kasi, feeling ko, hindi lang naman sa [romantic] relationship mo nararanasan ang betrayal, yung panloloko… sa mga friends din.

“So, sa lahat ng bagay po, naranasan ko na po siya. Sa career and everything.

“Ang masasabi ko po, masakit po talaga siya at sobrang nakaka-down.”

Career-wise may nang-ahas na sa kanya?

“Meron,” pag-amin ni Shayne. “Hindi naman po maiiwasan talaga sa buhay ang mga betrayal po.”

ALTHEA ABLAN

Samantala, suki rin si Althea ng Regal Studio Presents, at sa latest episode na pagbibidahan niya ay si Will ang katambal niya.

Wala raw silang ilangan dahil mga bata pa lamang hanggang sa ginawa nila ang Prima Donnas ay nagkasama na sila.

Sa tunay na buhay, nauugnay si Althea sa Sparkle artist na si Prince Clemente.

Nang tanungin kung may naengkuwentro na siyang ahas sa ugnayan nila ni Prince, nakangiting pahayag ni Althea, “Ay, wala po.”

Sabi rin ni Althea, “Important talaga ang loyalty and trust sa isang relationship.”