Liza Soberano inaming br.eak na sila ni Enrique Gil sa isang unreleased interview

Liza Soberano

Ang paghihiwalay nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang isa sa pinakamalaking balita sa showbiz bago matapos ang 2023.

Talagang pinag-uusapan at pinagpipistahan ito ng publiko na may mga iba’t ibang haka-haka tungkol sa tunay na ugat ng pagwawakas ng relasyong tumagal ng labing-isang taon.

Ang desisyon nina Kathryn at Daniel na tapusin ang kanilang pagmamahalan ang dahilan kaya nauungkat ang relasyon nina Liza Soberano at Enrique Gil.

Maragal nang napapabalitang hiwalay ang LizQuen, pero walang inaamin ang magkabilang-panig.

Hindi puwedeng isali ang breakup nina Liza at Enrique sa listahan ng malalaking kontrobersiya sa showbiz ngayong 2023 dahil naganap ang kanilang paghihiwalay noon pang Oktubre 2022.

In denial pa si Enrique.

Sa panayam sa kanya ng TV Patrol noong April 2023, “We’re good, we’re good” ang sagot niya nang tanungin tungkol sa estado ng relasyon nila ni Liza.

Dagdag pa ni Enrique, “She’s just really busy with her stuff there. I am going to be visiting her maybe when my schedule clears up. I think she’s coming back here. But yeah, we’re good.

“Because Hope [palayaw ni Liza] is in the U.S., she is doing her own thing which I am going to support no matter what. I love her to death.”

Sinakyan ni Liza ang pahayag ni Enrique dahil sa isang interbyu, tatlong buwan na ang nakalilipas, hindi rin niya inaming hiwalay na sila.

Sinabi ni Liza na nagkikita pa rin sila ni Enrique.

Aniya, “Every once in a while. Occasionally mostly because we’re both, like, constantly flying.

“I’ve been in the [United] States for a while and then I came back, and he’s been flying. So it’s very seldom now. But we do [meet], we still do.”

Naging maingat si Liza sa pagsagot dahil sa isang interbyu noong Marso 2023, tahasan niyang sinabing hiwalay na sila ni Enrique mula pa noong Oktubre 2022.

Pero may mga nakiusap na huwag ilabas ang panayam sa kanya kaya hindi ito napanood ng publiko.

Ang “unreleased interview” kay Liza ang matibay na ebidensiyang mahigit isang taon na ang nakararaan buhat nang tapusin nila ni Enrique ang kanilang walong taong pagsasama.

Nauna silang maghiwalay bago pa man kinumpirma nina Kathryn at Daniel noong Huwebes, Nobyember 30, 2023, ang pagwawakas ng kanilang labing-isang taong pagmamahalan.