Marco Gumabao, hindi alintana ang pagiging single mother ni Cristine Reyes

Matapos kumpirmahin ni Marco Gumabao ngayong Lunes, Abril 24,2023 na totoo ang mga balitang may relasyon na sila ni Cristine Reyes, hindi pa handa ang aktor na sagutin ang mga katanungan tungkol sa kasaysayan ng kanilang pagmamahalan.

Sinubukan ng Cabinet Files na kunin ang pahayag ni Marco, pero tumanggi ito dahil tila gusto niyang maging pribado ang pag-iibigan nila ni Cristine.

May katuwiran si Marco na huwag munang magsalita.

Sa media conference ng Kurdapya, ang sitcom ng Viva Television at TV5 na pinagbibidahan nila ni Yassi Pressman, noong Marso 23, 2023, parang inamin na rin niya ang dating inililihim pang relasyon nila ni Cristine.

Pahayag niya: “Ano ang nagugustuhan ko sa kanya? First of all, she’s very girlfriend-material, wife-material. Sobrang bait niya, wala siyang arte.

“Yung tanong kanina kung sino ang pipiliin ko, kung si Kulot o si Straight [Kuring at Daphne, ang mga karakter na ginagampanan ni Yassi sa Kurdapya], mas pipiliin ko yung babaeng walang hassle. Hindi pa-diva.

“Yung masayang kasama sa kahit saan. Yung very loving,very caring…”

Nang tanungin tungkol sa pagiging single parent ni Cristine, sabi ni Marco: “She’s not the first woman naman to be a single parent. Wala naman masama.”

Nanggaling din kay Marco ang pahayag na kapwa sila single ni Cristine, na maituturing na kumpirmasyong annulled na ang kasal ng aktres sa dating karelasyon nito, ang aktor na si Ali Khatibi.

“We’re both single. We’re not stepping on other people. It’s just better to keep things private,” deklarasyon ni Marco.