Marian Rivera and Heart Evangelista now follow each other on Instagram

Tiyak na ikatutuwa ng fans nina Marian Rivera at Heart Evangelista ang magandang balitang tila nagkaayos na ang dalawa.

Napansin kasi ng mapanuring mata ng netizens na pina-follow na ng dalawang Kapuso actresses ang isa’t isa sa Instagram.

Heart Evangelista, Marian Rivera Instagram following

Heart Evangelista, Marian Rivera Instagram following

Welcome development ito lalo na nga’t parehong nasa iisang istasyon lamang ang dalawa.

Ayon sa ulat ng GMA News online, may mga reliable source daw silang nagsabing inayos ng dalawa ang kung aumang alitan meron sila sa pribadong paraan.

Huling nagkasama ang dalawa sa isang proyekto ay sa remake ng Temptation Island ng Regal Entertainment at GMA Films noong 2011.

Sa pelikulang ito rin sila nagkaroon ng alitan.

THE RIFT BEWTEEN HEART AND MARIAN

Lagpas isang dekada na ang nakalilipas mula nang magkaroon ng iringan o alitan ng dalawang Kapuso Queens na sina Marian at Heart.

Nagsimula ito sa ilang alingasngas noon sa Twitter (X na ngayon) at blind item.

Pero kaagad itong pinabulaanan ni Heart sa kanyang tweet noong June 11, 2011.

Saad ni Heart noon, “Let’s not make a big fuss. Marian and I are okay. Showbiz is showbiz so, Heartworld, ‘wag na tayo mag-away-away.”

Ngunit, kinumpirma ng isang report na may alitan nga sa pagitan nina Marian at Heart nang may nangyaring insidente sa airport sa Manila noong June 13, 2011, kung saan sangkot umano ang ina ni Heart na si Cecile Ongpauco.

Galing daw sina Heart at Marian, kasama ang iba pang cast at crew ng Temptation Island, sa Paoay, Ilocos Norte, kung saan kinunan ang mga natitirang eksena ng kanilang pelikula.

Ayon sa report ng veteran columnist na si Mario Bautista sa People’s Journal noong June 14, 2011, pagdating sa Manila airport ay lalapit sana si Marian kay Heart para magpaalam.

Pero bigla raw siyang sinigawan ng ina ni Heart—na naroon upang sunduin ang anak—at sinabihang: “Stay away from my daughter!”

May mga sinabi pa raw na masasakit na salita si Mrs. Ongpauco kay Marian, na napaiyak dahil sa narinig.

Hindi rin malinaw kung ano ang pinag-ugatan ng away ng dalawa.

Pero ayon sa ilang sources ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noon, tila nagsimula ang gusot sa pagitan ng dalawang aktres nang sabihin sa isang interview ng boyfriend ni Heart noon na si Daniel Matsunaga na gusto niyang makapareha sa isang proyekto si Marian.

Noon naman daw nasa Ilocos sila ay tila nagparinig si Heart na excited na siyang maka-partner si Dingdong Dantes, na boyfriend pa lang ni Marian noon (at asawa na ngayon).

May niluluto kasing proyekto noon ang GMA-7 na pagtatambalan nina Heart at Dingdong.

Doon daw nagsimula ang iringan nina Marian at Heart.

Pero mabilis naman daw naayos ng dalawa ang gusot na ito bago pa man sila bumalik ng Maynila.

Nang akala ng lahat ay okey na sina Marian at Heart, lumaki uli ang isyu dahil sa nangyaring insidente sa airport.

Ayon pa sa ilang sources, may kasama pa raw bodyguards ang ina ni Heart na si Mrs. Ongpauco bilang “proteksiyon” sa aktres.

Hindi matukoy kung ilan eksakto ang bilang ng bodyguards; may nagsasabing walo at meron namang apat daw.

Nang makarating ang insidenteng ito sa fans ni Marian ay hindi nila ito nagustuhan.

Ayon sa mga forum sites, bukod sa masasakit na salita raw na binitiwan ng ina ni Heart ay pinagmukha pa raw “kriminal” si Marian dahil nagsama pa ito ng bodyguards.

Kalaunan, lumabas namang may tatlong version ang naging away daw ng dalawa.

Wala pang opisyal na pahayag sina Marian at Heart ukol sa magandang development na ito sa pagitan ng dalawang aktres.