Mariel Pamintuan on unfair treatment for being a “starlet”: “Hindi ka muna priority.”

Makulay ang mga ibinahagi ng Sparkle artist na si Mariel Pamintuan, 25, sa mga naranasan niyang pambu-bully, pang-aangas, at intimidasyon sa kanya ng ilang sikat na artista.

Si Mariel ay tinatawag na “starlet” ng kanyang mga kritiko.

Sa halip na magpaapekto, inako na lang ni Mariel ang bansag na ito sa kanya.

Sa TikTok video na in-upload nitong September 26, 2023, sinagot ni Mariel ang isang basher na nagsabing “Gusto ko ring maging artistang hindi sikat.”

Mariel Pamintuan

SAMPALAN SCENE WITH A SIKAT NA CO-STAR

Unang ibinahagi ni Mariel ang karanasan niya sa isang kilalang co-star sa eksenang sampalan.

Pasakalye ni Mariel, “Pag starlet ka, hindi ka muna priority. Ang priority muna ang bida.”

Ikinuwento niya ang rehearsal ng sampalan scene kasama ang bidang co-star.

Nag-eensayo raw sila ng blocking, pero hindi pa tunay na sampalan.

Mariel Pamintuan | Sparkle GMA Artist Center

Kuwento niya, “Tapos sabi sa akin ng producer, lumapit sa akin, ‘Mariel, wag mong lalakasan, ah. Kasi nung rehearsal nakita kita, e, parang malakas yung amba mo. Parang malakas, e. Huwag mong tototohanin. Yung mukhang totoo lang, pero huwag malakas.”

Sinunod ni Mariel ang bilin ng producer nang mag-take na. Hindi niya nilakasan ang sampal sa kilalang kaeksena.

Pero nagulantang daw siya sa iginanting sampal ng bida sa eksena nila.

“Yung bida talaga, G na G sa akin. Yung tenga ko, nayanig! Yung kaluluwa ko naiwan don sa set!

“Nagpalit na ng set up. ‘Cut!’ Nandun pa rin yung body and soul ko. Naiwan dun. Naiwan siya, na-shookt. Ganon.”

ON COMMITING MISTAKES

Pansin din daw ni Mariel na iba ang treatment kapag nagkamali ng lines ang bida at ang “starlet.”

Mariel Pamintuan - IMDb

Sabi niya, “Pag may K ka na, pag nagkamali ka, hindi ka masyadong ookrayin.

“Kunwari, ‘Cut! I’ts okay. It’s okay. Again. Take two. Action!’ Ganon lang.

“Tapos pag starlet ka lang, tapos hindi ka naman major role, pamparami lang, pag nagkamali ka, yari ka. Wag kang magkakamali. Ookrayin ka,” babala ni Mariel.

Ganito raw pagsabihan kapag nagkamali ang supporting role, “Ay, tatanga-tanga, ah. Ay, anong oras na, ah. Parang di pa gising ang diwa. Ano ba yan paulit-ulit na, ah.”

SIKAT NA STARS DO NOT WANT COMPETITION

Sa karanasan daw ni Mariel, may mga kilalang artista na threatened sa kanilang supporting actors.

“Pagka nag-uumpisa ka, yung mga mas may K, na ayaw nila ng kakumpitensiya. So, yung mga baguhan ibu-bully nila yan.”

Pagbawi niya, “Hindi naman lahat. Marami namang mababait, pero merong ilan na talagang attitude.

“So, hindi mawawala sa showbiz yang mga ganyan. So, siyempre, ayaw nila ng kakumpitensiya, ngayon pa lang na nag-uumpisa ka, buburahin ka na. Elimination round, ganon.

“So, patibayan ng loob. So, huwag kang magpapatibag. Huwag kang papayag.”

Saka inilahad ni Mariel ang karanasan niya sa isang mas kilalang artista na nakaeksena niya.

“One time, may artista na minumura ako. Pagka-nagto throw lines kami ng linya [rehearsal] minumura ako, indirectly. Sinisingit niya dun sa lines niya.

“Pero sino pa bang minumura mo, kundi ako lang,” katuwiran ni Mariel dahil silang dalawa lang naman ang nagre-rehearse.

Alam niyang hindi rin ito pa-joke dahil hindi naman sila tumatawa, kahit ang mga taong nakapaligid sa kanila.

“Parang may pagkaangas. Inaangasan ako,” kuwento ni Mariel.

“Hindi ko na lang pinansin. Do not engage kasi pagka ganon, gagawan ka pa ng kuwento. So, hindi ako nagsusumbong bahala ka diyan.”

Pero bawi ni Mariel, ito raw mga karanasang magpapatibay at huhubog sa pagkatao ng isang artista, tulad niya.

Nagiging motivation daw ito ni Mariel na balang araw ay may mararating din siya.

Bagamat hindi pa siya bumibida, three years old pa lamang ay nag-aartista na si Mariel.

Meron nang higit 1.7 million views ang naturang TikTok video niya.