Eksaktong 5:23 p.m. nang magsimula nitong Linggo nang hapon, Mayo 5, 2024 ang motorcade ni Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios sa paligid ng Mall of Asia (MOA) Complex, Pasay City.
Pero bago pa siya sumakay sa kotse na napapalamutian ng mga asul, pula, puti, at dilaw na bulaklak ng rosas, hindi napigilan ng 23-year-old Nicaraguan beauty queen ang pagpatak ng luha nito dahil kitang-kita at ramdam na ramdam niya ang pagmamahal at mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pilipino.
Panay ang pahid ni Sheynnis sa mga luhang pumapatak mula sa mga mata niya at bago umandar ang sasakyan, pinagdikit ng beauty queen ang mga palad, pumikit at yumuko bilang simbolo ng kanyang pasasalamat.
“She’s so touched. She was so happy with the love and warmth she received [from the Filipino people],” pahayag ni Elgin Victoria Santos ng Empire.PH sa Cabinet Files tungkol sa madamdaming eksena ni Sheynnis na nasaksihan ng ating mga kababayang binalewala ang mainit na panahon at nagpunta sa MOA para abangan at makita nang personal ang reigning Miss Universe.
Mananatili si Sheynnis sa Pilipinas hanggang Mayo 7, 2024 dahil kabilang ang ating bansa sa kanyang Asian tour.
Bukod sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino, labis na nadala ang damdamin ni Palacios sa pagsigaw ng mga Pilipino sa “Nicaragua,” ang bansa na kanyang pinagmulan at binigyan ng malaking karangalan nang manalo siyang Miss Universe sa El Salvador noong Nobyembre 18, 2023.
Pero sa kasamaang-palad, hindi makabalik si Palacios sa sariling bayan dahil sa mga usapin sa pulitika at ito ang posibleng dahilan kaya tuluyan nang bumuhos ang kanyang mga luha nang yakapin niya ang watawat ng Nicaragua habang nagaganap ang motorcade sa MOA.
Bago siya umalis sa Pilipinas sa darating na Martes, isang invitational sponsors night ang idaraos at dadaluhan ni Sheynnis bilang pasasalamat ng Empire.PH, ang organisasyon na punong-abala sa pag-aasikaso sa pagbisita sa ating bansa ng Nicaraguan beauty queen.