Miss Universe Philippines clarifies video of Michelle Dee’s exit during TV guesting in Mexico

Miss Universe Philippines on video of Michelle Dee's early exit

Mabilis na nilinaw ng pamunuan ng Miss Universe Philippines ang kumakalat na video ni Miss Universe Organization owner Anne Jakrajutatip tungkol sa umano’y pagtataboy nito kay Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee.

Nitong Martes, November 21, 2023, nag-viral sa social media ang video clip ni Michelle kunsaan makikitang pinaalis siya sa stage matapos ang guesting nila ng kapwa Miss Universe 2023 candidates sa Mexican television show na Venga La Alegri sa Mexico.

Kasama nina Michelle at Anne sa entablado ang Miss Universe 2023 candidates mula Lebanon, Germany, Colombia, Thailand, at USA, at ang isang lalaki.

Isang babaeng staff ang lumapit kay Anne at sa lalaki at binulungan ang mga ito. Maya-maya pa ay lumapit ang babaeng staff kay Michelle at in-escort-an nito palabas ang Kapuso actress.

Ang tagpong ito ay nagpagalit sa fans ni Michelle.

Kanya-kanya ring interpretasyon ang mga ito na diumano’y inutusan ni Anne ang babaeng staff na paalisin si Michelle sa stage.

Dahil dito, kaliwa’t kanang batikos ang ngayo’y ibinabato kay Anne dahil daw sa umano’y pambabastos nito sa pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2023.

Sa isang official statment nitong gabi ng Martes, November 21, pinabulaanan ng Miss Universe Philippines ang mga akusasyong ipinupukol kay Anne.

Ayon sa kanila, hindi totoong pinaalis ni Anne si Michelle sa stage.

Masama raw kasi ang pakiramdam ng Pinay beauty queen noong mga oras na iyon kaya matapos nilang mag-shoot ay nagpaalam itong bumaba sa entablado para uminom ng tubig.

Nakita raw ni Anne ang kalagayan ni Michelle kaya nagdesisyon silang pabalikin na ito sa kanyang hotel room para makapagpahinga.

Narito ang kabuuang pahayag ng Miss Universe Philippines (published as is):

“We’d like to clarify some speculations regarding a video circulating showing Miss Universe Philippines Michelle Marquez Dee being escorted from a line-up in a TV guesting in Mexico City.

“Firstly, the segment was over by the time she exited.

“Michelle had to excuse herself to drink water because she wasn’t feeling well due to the past weeks’ tedious back-to-back schedule.

“Upon seeing her condition, the MUPH Team decided that it was best for her to go back to the hotel to get some rest.

“Michelle hopes to join the city tour today as long as she feels better.

“Please wish that she gets well soon.”

ANNE’S VIRAL “MOVE ON” VIDEO WITH MICHELLE

Bukod dito, isa pang video clip nina Michelle at Anne ang pinag-uusapan ngayon sa social media.

Tila naka-live si Anne sa video nang lapitan niya si Michelle at interbyuhin ito.

Nagsasalita si Anne ng Thai, na may halong English, kaya hindi lubusang maintindihan ang kanyang sinasabi, ngunit kapansin-pansin ang paulit-ulit niyang pagbanggit ng “move on.”

Base sa translation ng netizens, sinabi raw ni Anne kay Michelle na gagawa siya ng kantang may temang “moving on” para makalimutan na ng mga Pilipino ang hindi pagpasok ng pambato ng Pilipinas sa Top 5 ng Miss Universe 2023.

Nilinaw rin daw ni Anne sa video na walang manipulasyon o pandarayang naganap sa resulta ng Miss Universe 2023.

Ginanap ang 72nd edition ng international beauty pageant sa El Salvador noong Linggo, November 19, 2023 (Philippine time), kunsaan si Miss Nicaragua Sheynnis Palacios ang kinoronahang Miss Universe 2023.

Muli itong nagpagalit sa Pinoy fans. Kabilang sa mga nagbigay ng reaksiyon ang matalik na kaibigan ni Michelle na si Rhian Ramos.

Sa pamamagitan ng Instagram Stories, agad na ni-repost ni Rhian ang viral na video nina Michelle at Anne.

Ayon kay Rhian, hindi niya nagustuhan ang umano’y harapang pamamahiya ni Anne kay Michelle.

Bakas din daw sa mukha ni Michelle sa video na hindi siya kumportable, ngunit patuloy pa rin daw si Anne sa pag-interbyu sa Pinay beauty queen.

Saad ni Rhian sa in-upload niyang video, “I don’t like how this looks.

“My stomach is turning. Buti marespeto yung kaibigan ko, eh sila?

“Ewan. Kayo na lang ang humusga. Tap niyo for the full uncomfortable video.”

Para bigyang linaw ang mga sinabi ni Anne sa video, humingi ng tulong ang Cabinet Files sa Filipino translator na si Aurea Mae Bulacso upang i-translate ang mga sinabi ng Thai transgender billionaire sa lumabas na video.

Dito napag-alamang na-misinterpret ng Pinoy fans ang mga sinabi ni Anne.

Ayon sa translation ni Aurea, sinabi ni Anne sa video na kailangan nito ng gamot para makapag-move on siya sa resulta ng 72nd edition ng Miss Universe.

“Sinabi rin niya na ‘naloko na’ pero wala siyang pinatutungkulan kung sino.

“Magre-release daw siya ng kanta na ‘Move On’ kasi kailangan daw niya yon o gamot na move on,” paliwanag ni Aurea tungkol sa mga pahayag ni Anne habang kausap nito at dinadamayan si Michelle.