MMFF 2023 Best Actor Cedrick Juan, inuulan ng offers para i-manage ang kanyang showbiz career

GORGY RULA

Ang laki ng nagawa kay Cedrick Juan ng pagkapanalo niya bilang best actor sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023 para sa pelikulang GomBurZa.

Sampung taon na sa showbiz si Cedrick pero mas kilala siya sa theater. Marami siyang nagawang indie films, at tumatak sa amin ang mapangahas na ginawa niya sa Two In One (2023) sa Vivamax Plus.

Miggy Jimenez, Cedrick Juan, and Paolo Pangilinan in Two In One

Nairaos ni Cedrick ang showbiz career niya na siya lang ang nakikipag-usap kapag may kumukuha sa kanya. Pero ngayon ay ang dami na raw nag-aalok i-manage ang kanyang showbiz career.

Ani Cedrick nang nakapanayam namin sa DZRH nung Linggo, December 31, 2023, “Ang marami pong pumapasok talaga ay for management.

“Kasi po pumasok po yung 2023 na wala po akong management na… so freelance na po ako simula nung nag-start yung GomBurZa.

“Sa mga management po na sobrang… nagulat ako na nagbigayan po sila sa akin ng interes na i-manage ako. Actually, marami po talaga sila.

“Sa ngayon po, sinasabi ko sa kanila na willing po ako makipag-meeting sa lahat. Gusto ko pong marinig yung genuine na thoughts nila para sa akin.

“Para sa akin po, yung management po, hindi lang po siya business sa managing. Para sa akin po, I will treat them na pamilya po talaga. Para masarap po ang pakiramdam na magtrabaho.”

Gusto na rin naman daw niyang meron nang isang management team na magma-manage ng kanyang showbiz career.

“Siyempre, nandiyan naman po talaga. Gusto ko naman po talaga magkaroon ng management, pero ang gusto ko po talaga makita yung genuine na reason bakit gusto po nila akong makuha.

“Kasi sa akin nga po, gusto ko po talaga yung maging pamilya yung turing, more than business, parang ganun po,” sabi pa ni Cedrick.

JERRY OLEA

Suporta si Cedrick sa Cinemalaya 2023 film na Huling Palabas, kung saan may eksenang nag-sunbathe siya nang walang saplot. Medyo patagilid ang anggulo ng kamera sa eksena.

Noong nakaraang Agosto ang 19th Cinemalaya filmfest, na ang main venue ay PICC.

Cedrick Juan in Huling Palabas

Ang dating nag-manage sa career ni Cedrick ay ang The IdeaFirst Company nina Direk Perci Intalan at Direk Jun Lana.

“Panganay namin yan hehe. After Die Beautiful pa,” sabi ni Direk Perci ngayong Enero 2, Martes ng hapon, via Messenger.

Noong Disyembre 31, 2022 ay ni-release ng The IdeaFirst Company ang lahat ng talents na mina-manage nila.

“Magkausap pa rin kami ni Cedrick nung in-offer sa kanya ang GomBurZa. Nakakatuwa na finally nagka-break na siya,” sabi pa ni Direk Perci.

Wala pa raw sa isip ni Cedrick kung kailangan na ba niyang magtaas ng talent fee. Maaring nasa magiging manager na niya yun kung ano ang nararapat na talent fee para sa kanya.

“Kumbaga, kasi po as an actor meron pong mga bagay na kailangan nandun yung focus mo, e. Kailangan yung focus mo ay yung sa pag-arte, sa pag-aral ng script.

“Kasi kung wala kang management, ikaw yung makipag-usap sa mga inquiries, e. So, I think sila po yung best fit to that. At sila po ang magtrabaho para kumausap sa mga different productions.

“And with that, makapagbigay po ako ng 100 percent kong effort sa mga gagawin kong trabaho,” sambit ni Cedrick.

Siyanga pala, SOLD OUT na ang January 4, Thursday, 5:30 p.m. screening ng GomBurZa sa Cinema ‘76, Morato Extension, Quezon.

Kaugnay sa nasabing screening ay may Q&A kina Cedrick, Enchong Dee, Direk Pepe Diokno, at cinematographer Carlo Mendoza.

Mula sa 39 sinehan noong opening day, Disyembre 25, ay mahigit 120 na ang mga sinehan ng GomBurZa nationwide.

Cedrick Juan in GomBurZa

NOEL FERRER

Hindi pa rin daw iiwan ni Cedrick ang theater, at patuloy pa rin siyang mag-a-audition kung kinakailangan.

Puwede pa siyang maligwak kung hindi naman talaga nababagay sa kanya ang role. Kagaya nung nangyari sa kanya sa Virgin Lab Fest 18: Hitik nung nakaraang taon na wala siyang nakuhang role kahit nagtiyaga siyang magpa-audition.

“Yung audition po, non-stop po yan. Sa akin po as an actor, kahit na makapag-establish ka po, tuluy pa rin po yung audition.

“And yung nangyari po sa Virgin Lab Fest na hindi po ako natanggap, I think hindi po dahil sa hindi ka magaling, or baka mamaya hindi ka pasok dun sa role. Baka mamaya meron lang talaga silang ibang hinahanap para sa isang aktor na hinahanap nila sa isang role.

“Sa akin po, natutunan ko na siya, na hindi siya about rejection. Maybe it’s just about hindi siya para sa yo, na hindi mo siya control na marami pa namang audition. Kami po as an actor, tuloy lang nang tuloy na audition,” saad ni Cedrick.

Ang best supporting actor ng MMFF 2023 ay galing-teatro rin, si JC Santos ng pelikulang Mallari.

Nagkasama sina Cedrick at JC sa dulang Bilanggo ng Pag-ibig (2015) ng Dulaang UP. Idinirek ito ni Jose Estrella, mula sa panulat ni Rody Vera.

Magkatuwang sina Rody Vera at Direk Pepe Diokno sa pagbuo ng screenplay ng GomBurZa.