Neil Coleta weighs in on Kathryn Bernardo-Daniel Padilla rumored br.eakup

Neil Coleta on Kathryn Bernardo and Daniel Padilla rumored breakup
Neil Coleta (right) gets asked about much-speculated issue linking Andrea Brillantes (not in photo) to rumored breakup of Kathryn Bernardo and Daniel Padilla (left).

Bilang isa sa malapit na kaibigan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, aminado si Neil Coleta na nalulungkot siya sa naglalabasang balitang nauwi na sa breakup ang 11 taong relasyon ng celebrity couple.

Nagsimulang maging kaibigan ni Neil sina Kathryn at Daniel nang magkatrabaho sila sa teleseryeng Growing Up ng ABS-CBN noong 2011.

Kinuha ni Niel na godparents sina Kathryn at Daniel sa panganay niyang anak na si Baby Jazzmin, na ngayon ay dalawang taon na.

“Actually, nalungkot ako kung anuman yung mga nababasa ko, then yung mga namba-bash sa kanila and everything,” bungad ni Neil.

“Siyempre, sa part ko bilang kaibigan, kumpare, kumare ko pa parehas, ninong at ninang ng anak ko, so nalungkot ako.”

Nabanggit ni Neil na kamakailan ay nakasama niya si Daniel, at nagulat siya na ang simpleng picture nila ay dinagsa ng espekulasyon mula sa netizens.

“One time may post ako, e. Ang daming comments sa post ko kasi magkasama kaming dalawa, e.

“Binura ko, inalis ko. Di dahil umiiwas ako.

“Ayoko na yung post na yun may masabi pa, ma-stress pa si ano. Iba-iba, e. ‘Totoo ba na ano ba? Si ano ba ang dahilan?'”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Neil sa Sakura Lounge PH grand opening, na ginanap sa Lansbergh Place sa Tomas Morato, Quezon City, noong November 17, 2023.

“ALAM KO NA MAY PROBLEMA”

Hiningan namin ng reaksiyon si Neil sa kumakalat na isyung ang itinuturong third party diumano ng sinasabing breakup ng KathNiel ay ang kapwa Kapamilya star na si Andrea Brillantes.

Sagot ni Neil, “Yung kay Andrea, hindi ko alam, wala akong idea talaga. Pero naririnig ko, nababasa ko.”

Malinaw sa mga tinuran ni Neil na wala siyang kumpirmasyon o denial sa kung anumang mga isyung ipinupukol kina Daniel at Kathryn.

Ayon pa kay Neil, ayaw niyang pangunahan ang dalawa, lalo na si Daniel.

Pero inamin ni Neil na napapansin niyang may lungkot siyang nakikita sa kaibigang si Daniel sa pagkakataong nagkakasama sila.

“Pero sabi ko nga, ayoko munang tanungin yung isa. Pero siyempre pag magkasama kami, makikita mo, feel ko sa kanya na may lungkot.

“Alam ko na may problem, pero siyempre, bilang respeto ko sa kanya, ayoko siyang tanungin.

“Hinahayaan ko na siya ang mauna kasi ayokong manghimasok, kasi it’s none of my business, di ba?

“Dati nag-o-open up sa akin yan, e.

“Siguro dahil mature na kami, I can handle naman. Ako naman nagsabi sa kanya, ‘Ano ba ang kailangan mo? Ano ba ang gusto mo?'”

Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph, idiniin ni Neil na saksi siya kung gaano kabuting kaibigan si Daniel.

Si Daniel daw ang isa sa mga kaibigan ni Neil na kusang umaalalay sa kanya sa mga panahon ng kagipitan,

“Nung pandemic, ganyan yan, e, ‘Tol, may problema ka ba? Pag financial, mayroon ha, call me.’

“Ganyan kami ka-solid. ‘Tol, nabalitaan ko nagpa-check-up ka raw sa ganito, ganyan. Pag kailangan mo ng financial, call mo lang ako.’

“Ganun siya katindi, kaya wala akong masabi dun.”

NEIL’S APPEAL TO NETIZENS

May pakiusap si Neil sa netizens, pati na rin sa solid fans ng KathNiel, na sana ay respetuhin kung pinili man ng dalawa na manatili munang tahimik sa isyu.

Paliwanag ni Neil, “Sabi ko nga, ang masasabi ko lang sa mga fans o sa ibang tao, respetuhin na lang natin sila.

“Siyempre sa tagal ng panahon, baka nagkakaroon sila ng kaunting problema.

“Wala namang perpektong relasyon, di ba? Dumarating sa struggle days ang mga relasyon.

“Pero sa tagal ng samahan nila, sa ten years nilang pagsasama, siyempre may mga alone factor yan, lahat naman tayo nagkakaroon ng ganun.

“Then, regarding dun sa kung anuman ang naririnig, sana ibjgay na lang po sana natin sa kanila.

“Respetuhin muna natin kasi di naman nagsasalita yung dalawa.

“As long as na wala pa naman silang sinasabi na hiwalay na sila, huwag po tayong maniwala.”

Naiintindihan daw ni Neil na matindi ang pag-aalala ng marami sa mga tagasuporta ng KathNiel.

Aniya, “Isa siyang malaking issue, e.

“Parang masasabi ko na isa sila sa love team sa industry na pinakamatagal.

“Nabasa ko sa isang article na sila lang for teen na movies and series na pinakamahaba.

“Sa lahat ng love team mula nung ’90s, ha? Kasi nagkaroon ng Marvin Agustin-Jolina Magdangal, Mark Herras-Jennylyn Mercado, at iba pa.

“Pero sila ang pinakamahaba, e.

NEIL’S MESSAGE FOR DANIEL AND KATHRYN

Nagbigay rin ng mensahe si Neil para kina Kathryn at Daniel.

Hiling niya na sana ay malagpasan ng mga ito kung anuman ang pinagdadaanan ng kanilang relasyon sa ngayon.

“Heto lang masasabi ko sa kumare at kumpare ko, kumbaga, problema lang yan, maganda ang na-build ninyo.

“Sana huwag masayang. Kung kaya pang ayusin, sana maayos.”