Netizens speculate about Vice Ganda suing Cristy Fermin

Inaabangan ngayon ng netizens kung ididemanda rin ba ni Vice Ganda si Cristy Fermin.

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na matagal-tagal nang may hidwaan ang popular comedian-TV host at ang veteran reporter-vlogger.

Hindi malinaw kung ano ang pinag-ugatan ng hidwaan nina Vice at Cristy.

Ngunit sa YouTube channel ni Cristy na Showbiz Now Na!, makikita ang mga vlogs nito na makailang beses tumitira kay Vice Ganda at maging sa partner nitong si Ion Perez.

Cristy Fermin, Vice Ganda

Cristy Fermin, Vice Ganda

CRISTY FERMIN INSULTS VICE GANDA

Kabilang na rito ang vlog ni Cristy na may titulong “WILLIE REVILLAME, NEGANG-NEGA, PAMBANSANG PA-VICTIM!? ION, NAHAWA NA SA DILA NI VICE GANDA!” na inupload ng kaniyang channel noong February 10, 2023.

Dito ay mapapanood din si Cristy at ang co-hosts niyang sina Romel Chika at Wendell Alvarez na pinupuruhan ng banat si Ion.

Sabi ni Cristy sa kanyang vlog: “Si Ion, na kung turing ng ating mga kababayan ay isang ibon na tumungtong sa ibabaw ng kalabaw, pero ngayon ay umaakto na rin na kalabaw.

“Matalas ang dila nung Ion. Matapos niyang sabihin na… may nagtanong sa kanya, ‘Bakit ka pumatol kay Vice? Bakit sa beki?’

“Anong sagot niya? ‘Alangan naman pakainin ko ang pamilya ko ng buhangin?’ Parang ganun.

“So, aminado siya na comfort, di ba, yung future ang kanyang ano, di ba? Matalas ang dila nung Ion.

“Nakakaano din ang para bang sumasabay na kay Vice.”

Sa vlog ding ito ininsulto ni Cristy si Vice Ganda, na tahasan niyang sinabihang mabaho ang hininga.

Sa pananalita ng veteran showbiz reporter, “Mga taong malapit sa ‘yo ang nagsasabi na ang hininga mo raw ay amoy imburmal.”

Dagdag nito, “Hindi talaga, may nagkuwento sa akin, napakalapit sa kanyang tao. Alamin mo na lang kung sino sa kanila.

“Ang sabi niya, ‘Ang lakas-lakas ng loob niyan na mamintas, diyos ko po, alam niyo lang, ang tindi ng amoy ng hininga niyan, parang bulok na daga.'”

Vice Ganda at It's Showtime on May 10, 2024

VICE GANDA FIGHTS BACK

Hindi man direktang pinangalanan ni Vice Ganda, ramdam ng marami na si Cristy at ang co-hosts nito ang pinariringgan sa intro spiels ng show ni Vice na Everybody Sing!

Sa isang episode noong nakaraang taon, sinabi ni Vice Ganda sa pagsisimula ng show: “Nasa inyong harapan ang baklang kahit naka-park lang ay ang daming pilit na gusto makisakay.

“Lalo rin yung tatlong chakang chismosang ang daming kuda sa side, pero obvious naman na nakikiride.

“Ooops! Sorry sa nasagasaan!”

Sa isa pang episode, diretsahang sinagot ni Vice Ganda ang pang-iinsulto ni Cristy sa kanyang hininga.

Balik ni Vice Ganda: “My name is Gandara Jowain kahit kili-kylie madilim. At naniniwala ako na sa pag-ibig, di kailangang mabango ang hininga mo at malinis ka sa katawan.

“Hello? Si Sleeping Beauty nga 100 years nakatulog, di naghilamos at di nagmumog, pero hinalikan at pinakasalan.

“Dahil kung mahal ka, mahal ka. Kahit dirty o dugyot ka pa. And I thank you!”

Maging sa It’s Showtime ay naresbakan na rin ni Vice Ganda si Cristy na idinadaan niya sa comedy.

Sa “Me Choose, Me Choose” segment ng It’s Showtime noong November 23, 2023, isang contestant ang kasali na nagngangalang Cristy.

Sa paglapit ng contestant sa harap ng stage, binati ito ni Vice Ganda: “Kamusta ka, Cristy? Anong pinagkakaabalahan mo, Cristy, bukod sa paggawa ng mga kasinungalingan?”

IS VICE GANDA FILING A COMPLAINT AGAINST CRISTY FERMIN?

Nitong mga nakaraang linggo, sunud-sunod na cyberlibel complaints ang isinampa laban kay Cristy.

Ang pinakahuli ay ang isinampa ng Megastar na si Sharon Cuneta at ng asawa nitong si former Senator Francis “Kiko” Pangilinan, nitong Biyernes, May 10, 2024, sa Makati Prosecutor’s Office.

Sa comments section ng video ng filing nina Sharon at Kiko— na inupload sa TikTok account ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal)— may mangilan-ngilang netizens ang nanghihikayat kay Vice Ganda na magsampa na rin ng reklamo laban kay Cristy.

Netizens comment on Vice Ganda, Cristy Fermin issue

Vice Ganda, Cristy Fermin issue

At tila aware si Vice Ganda sa mga komentong ito.

Sa “Expecially For You” segment ng It’s Showtime nung Biyernes, may pahaging si Vice Ganda.

Sabi ng Kapamilya star: “Itong madlang people, ang daming mga pinapagawa sa akin.

“Gumawa ng ‘Asoka’ challenge, gumawa ng ‘Piliin Ang Pilipinas’ challenge, magdemanda na rin.

“Ang daming gusto niyong ipagawa sa akin.”

Pagpapatuloy nito, “Ang dami niyong request! Pipiliin ko dun kung anong pabibigyan ko. Ano ba dun yung gusto niyong pagbigyan ko? Yung gumawa o magdemanda?”

Sa pagtatapos ng araw, pinagbigyan naman ni Vice Ganda ang isang request ng fans na kanyang nabanggit sa noontime show.

In-upload nito ang version niya ng “Piliin Mo Ang Pilipinas” challenge sa TikTok at Instagram.

CYBERLIBEL CASES VERSUS CRISTY FERMIN

Una nang nagsampa ng cyberlibel complaint kay Cristy ang ina ni Sarah Lahbati na si Esther Lahbati.

Ginawa ito noong nakaraang Marso 2024, kunsaan bukod sa cyberlibel, nagsampa rin si Esther ng reklamong harassment, defamation, at unjust vexation.

Nitong Mayo 2, 2024 naman ay nagsampa ng cyberlibel complaint kay Cristy si Bea Alonzo.

Kabilang din sa inireklamo ng A-list actress ang veteran showbiz personality na si Ogie Diaz at ang kani-kanilang vlog co-hosts.

Pag nagkataon, si Vice Ganda ang magiging ika-apat na magsasampa ng legal complaint laban kay Cristy ngayong taon.