Nikki de Moura describes Nawat Itsaragrisil as “very fair” prior to Miss Grand International

Nikki de Moura and Nawat Itsaragrisil

“Unbothered.”

Ganyan ilarawan ni Miss Grand Philippines 2023 Nikki de Moura ang sarili.

Ito rin marahil ang kanyang dahilan kung bakit deadma siya sa hindi magagandang paratang sa kanya ng Miss Grand International founder na si Nawat Itsaragrisil kamakailan.

Ginanap ang 11th edition ng annual beauty pageant sa Ho Chi Minh, Vietnam, noong October 25, 2023.

Nabigong makapasok kahit sa Top 20 si Nikki na pambato ng Pilipinas.

Nitong October 29, kumalat sa TikTok ang video clip ni Nawat na pinaulanan ng mga mapanirang akusasyon si Nikki.

Pinuna ng Thai businessman ang pagkakaroon umano ng attitude ni Nikki at inakusahan pang “not polite” at “difficult” sa buong stretch ng pageant.

Sa kabila nito, walang sagot si Nikki bagamat aktibo siya sa pagpo-post kahit sa Instagram stories.

Pero sumagot si Nikki tungkol kay Nawat sa isang vlog bago siya tumulak papuntang Vietnam para sa pageant.

Isinalang si Nikki sa vlog ng beauty queen na si MJ Lastimosa noong October 2, 2023.

Dito ay natanong siya kung sa tingin ba niya ay “biased” si Nawat pagdating sa Filipino candidates sa kanyang pageant.

Ganito ang tanong: “The Philippines has never won the MGI title since the pageant started and since then, Nawat Itsaragrisil has been accused of being biased against Filipina contestants. Do you think he really plays it fair?”

Ito ang isinagot ni Nikki, “If I have to be honest, when I first joined Miss Grand [Philippines], I wasn’t familiar with the competition.

“But ever since I joined and passed the screening, I really made sure to watch a lot of videos, YouTube videos…

“I really researched about the pageant the past years, the past queens, and I can really say that from watching the competition that Nawat has been very fair.”

Coincidentally, ang interviewer na si MJ ay nasasangkot din sa isyu matapos siyang pangalanan ni Nawat at sinabihang huwag nang dadalo sa kanyang pageant.

Taun-taon ay nababahiran ng isyu ang Miss Grand International at sangkot lagi ang Philippine delegate.

Isang isyu rito ay ang pagiging mailap ng korona sa Pilipinas sa 11 years ng international pageant na ito.

Dahil dito, may gap sa pagitan ni Nawat at ng ibang Filipino pageant fans na tinatawag ang pageant na “cooking show.”

NIKKI, THE UNBOTHERED QUEEN

Wala pa ring pahayag si Nikki sa kabila ng maaanghang na paratang sa kanya ni Nawat.

Gayunpaman, aktibo ang Filipino-Brazilian beauty queen sa pagpo-post ng Instagram Stories.

Isa na rito ay ang pag-repost niya sa kanyang larawang may caption na “unbothered queen.”

Nikki de Moura

Sa vlog ni MJ, nagsalita rin si Nikki na katangian niya ang pagiging “unbothered.”

Natanong siya kung ano ang reaksiyon niya sa tungkol sa pagkuwestiyon ng ibang pageant fans sa kanyang pagkapanalo bilang Miss Grand Philippines 2023.

Sabi ni Nikki, “Honestly, my family says this a lot, and I think it’s like kind of a blessing and a curse, but I’m very unbothered.

“I’ve always been very calm, very focused on my own kind of path.

“Eventhough there might be haters from other candidates, I really don’t mind, I swear.”

Indikasyon itong sa kabila ng mga paratang ni Nawat ukol sa kanyang ugali, nananatiling “unbothered” ngayon si Nikki at mas pinipiling huwag na munang patulan ang isyu.