Ogie Alcasid on being husband to “THE” Regine Velasquez

Aminado si Ogie Alcasid na hindi madaling maging asawa ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.

Ibinahagi ito ni Ogie sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda na umere sa GMA-7 nitong Biyernes ng hapon, Mayo 24, 2024.

Ayon kay Ogie, ginagawa niya ang lahat para maging isang mabuting asawa.

Saad ng singer-songwriter, “I always wanna do my best as a husband. Gusto ko I was better today than yesterday.

“I don’t know kung na-follow ninyo yung times na itong si Regine nagte-training, tine-train ko siya.”

Ang tinutukoy ni Ogie ay ang ibinabahagi niyang videos sa social media kaugnay ng physical training nila ni Regine sa loob ng 18 araw.

Lahad pa ni Ogie: “Alam mo, sabi ko kasi sa asawa ko, ‘Matanda na tayo. Hindi na tayo puwedeng tumuntong sa entabaldo na hindi tayo handa. Kailangan nating magsanay. Hindi na tayo bata.’

“But every time I would wake her up, magte-training tayo, bigla niya akong sinusungitan.

“But she didn’t realize she got stronger and stronger every day.

“And then, hanggang dun sa concert niya, lumitaw at lumabas yung pinaghirapan namin. Pinagbunga ng paghihirap namin ng maraming weeks.

“Lagi siyang ganyan.”

Ayon kay Ogie, iyon daw ang isang paraan niya bilang mister ng “THE Regine Velasquez-Alcasid.”

Saad niya: “But it’s just my way of being a husband.

“I am husband to THE Regine Velasquez-Alcasid.

“It’s a tall order because she is who she is.

“She’s not as simple as you think. She’s very complicated.

“But, I think I was made to be her husband so I can uncomplicate things for her. I am easy.

“Alam mo yung asawa ko, one thing about her, she’s my biggest fan. Parang wala yata akong ginawa na hindi maganda para sa kanya. Lahat na lang maganda.”

Ikinasal sina Ogie at Regine noong December 22, 2010.

CREATIVE DIFFERENCES

Tinanong ni Boy si Ogie kung nagkakaroon ba sila ni Regine ng creative differences, bilang pareho silang beterano sa music industry.

“Oo naman,” reaksiyon ni Ogie.

Nagbigay si Ogie ng isang nakakaaliw na halimbawa ng pagtatalo nila ng misis na itinuturing na isa kung hind man pinakamahusay na female singer sa Pilipinas.

Lahad niya: “Naku, sa recording kasi, ako ang lagi niyang technician.

“Tapos kapag tine-take ko siya tapos hindi niya naaabot or mali ang tono niya, mali.

“Nakikita ko naiinis na siya, e. ‘Mali, wala ka sa tono.’

“Sabi niya, ‘Kilala mo ba kung sino ang kausap mo?’

“’Oo, ikaw si Regine, di ba? Mali ka!’

“’Kilala mo ba kung sino ako? Sabihan ba ako na wala sa tono?’

“Hindi kami nag-aaway about it, pero meron kaming ibang approach!” natatawang lahad ni Ogie tungkol sa creative differences nila ng asawa niya.

REGINE VELASQUEZ ON STARDOM

Hindi nakaligtaan ni Boy na banggitin kay Ogie ang pahayag ni Regine na tumatak sa kanya—ang sinabi ng singer-actress na hindi na nito panahon.

Itinuturing ni Boy na pagpapakita ni Regine ng katapangan at humility ang opinyon ng singer-actress tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng showbiz career niya.

“ Always. Araw-araw namin siyang pinag-uusapan at araw-araw kaming nagkakaroon ng maraming realizations,” sabi ni Ogie.

“Una, minsan kasi nahuhuli ko siya, pinapanood niya yung videos niya noong bata pa siya.

“Sasabihin niya sa akin, ‘Tingnan mo o, ang taas ng boses ko, ‘no? Ang galing ko noon, ‘no?’

“Sasabihin ko, ‘Hindi. Magaling ka pa rin hanggang ngayon. Iba lang ang estilo mo ngayon. Mas may puso ka nang kumanta kasi andito na ako sa buhay mo.’

“May mga ganyan kami.

“Tapos sasabihin namin, ‘Ang dami nang bago, ‘no? Ang dami nang magaling. Ang dami nang bata. Wala na siguro tayo.’

“Sasabihin ko, ‘Ano ka ba? Hindi naman wala, andito pa rin tayo. Ang mahalaga, alam natin kung saan tayo lulugar.

“‘Madami nang bago na darating talaga, pero ang maganda, nakukuha mo yung suporta ng mga batang yan.'”

Dagdag pa ni Ogie, “Alam mo, she always takes pride whenever these kids would talk to us.

“Kaya, di ba, napapansin ninyo, lagi siyang nagge-guest sa lahat kasi gusto niya, she wants to be part of their lives and the careers of those who are coming.

“Kasi naaalaala niya nung nagsisimula siya, ganyan din sina Pilita [Corrales], Kuh [Ledesma], Pops [Fernandez] sa kanya. Hindi niya nalilimutan ‘yon.”

OGIE AND REGINE’S PHONE CONVERSATIONS

Ibinahagi rin ni Ogie sa panayam sa kanya ni Boy Abunda ang pag-uumpisa ng relasyon nila ni Regine na nag-ugat sa kanilang madalas na pag-uusap sa telepono.

“Nag-uusap kami sa telepono. Nung mga time na yon, I think pahiwalay na yata ako,” pagtukoy ni Ogie sa relasyon nila ng kanyang first wife na si Michelle Van Eimeren.

“Insomniac siya so lagi ko siyang kausap sa telepono. Siyempre, pinapatawa ko palagi siya.

“Sabi ko, ‘Huy, alam mo ba kapag may nanligaw sa yo, malalaman mo na hindi totoo yung intensiyon ng lalaki sa pamamagitan ng pagsabi ng ‘I love you’?

“’Ah talaga?’” sabi niya.

“And I was, like, inventing this. ‘Halimbawa, kung yung lalaki gusto lang, e, sex, ‘I love you.’

“‘Ay, ganoon ba yon?’

“So, naniwala naman si luka-luka!

“Sabi ko, kapag bading pala yung lalake, ‘I love youuuu!’

“Tapos tinanong niya, ‘E, paano kung totoo?’

“And then there was this silence… silence and weirdness.

“Sabi ko, ‘O, ano yon?’ Sabi ko, ‘Bye!’ It was awkward.”

Para kay Ogie, seksi si Regine kapag naglalambing ito.

Bilang asawa, buong-buo naman ang suporta ni Regine kay Ogie dahil dumalo ang Asia’s Songbird sa trade launch ng A Team na ginanap noong Huwebes, Mayo 23, sa BGC, Taguig City.

Ang A Team ang entertainment at talent management company ni Ogie na nakatakdang mag-produce ng dalawampu’t isang shows, kabilang ang major concert nina Martin Nievera, Jed Madela, Lara Maigue, at ang dance concert ng Streetboys.