Aminado ang magkasintahang Ruru Madrid, 26, at Bianca Umali, 24, na hindi perpekto ang kanilang relasyon at dumaraan din ito sa pagsubok.
Pero may pinanghahawakan sila upang maging matatag ang kanilang limang taong relasyon.
Panimulang pahayag ni Ruru, “Siguro kasi alam namin na yung relasyon naming dalawa, yung pinakasentro nito yung Panginoong Diyos, e. Kahit ano ang mangyari, mayroon kaming Ama na gumagabay sa aming dalawa.
“Kahit hindi kami magkasama, kumbaga, alam namin kung ano ang tama at mali, alam namin kung ano ang mga dapat naming ginagawa.
“We were just very supportive of each other na kahit na ano ang mangyari, nandiyan kami para sa isa’t isa.”
Pagsang-ayon ni Bianca, “Actually, yun talaga yung sikreto namin. It might sound common, pero iba yung magic na ang sentro ng relasyon namin ay yung faith namin, yung Ama talaga.
“Hindi kami araw-araw magkasama. Aminado kami hindi rin naman kami perpekto palagi, hindi araw-araw na okay kami. [Pero] araw-araw, e, mahal na mahal namin ang isa’t isa.
“Hindi nawawala yun. Pero alam namin na sentro ang Ama sa aming dalawa, alam namin na pinapanood Niya kami at utang namin ang lahat sa kanya.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Bianca at Ruru sa 52nd Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box Office Entertainment Awards, na ginanap sa Henry Lee Irwin Theater noong May 12, 2024.
RURU MADRID AND BIANCA UMALI ON KISSING SCENES
Tinanong din ng PEP sina Ruru at Bianca kung ipinapaalam pa ba nila sa isa’t isa kung mayroong kissing scene sa mga eksenang gagawin nila.
Ayon kay Bianca: “Actually, this answer goes to both ways. Mayroon kaming, kumbaga, sistema ni Ruru pagdating sa mga trabaho namin sa ganyan.
“Parehas kaming magtrabaho, we were both partnered to different people, different guys, differents girls.
“Hindi kami kailangang magpaalam, pero pinapaalam pa rin namin sa isa’t isa.”
Pinarangalan sina Ruru at Bianca bilang Most Popular Loveteam in Television para sa defunct Kapuso prime-time series na The Write One. Labis ang pasasalamat ng dalawa sa karangalang ipinagkaloob sa kanila.
“This is our first award together so sobrang excited kami kasi milestone ito sa aming career,” nakangiting sagot ng Kapuso actress.
Dagdag ni Ruru, “Nakuha pa namin sa kauna-unahang proyekto na ginawa namin, which is The Write One.
“Sobrang sarap sa puso na kasama mo yung mahal mo sa buhay na tatanggap ng award.”
Ikinuwento ng magkasintahan na ikinatuwa nilang magkasama silang tumanggap ng award sa kabila na busy rin sila sa kani-kanilang mga proyekto.
Saad ni Bianca: “Actually, feeling namin sobrang aligned yung mga nangyayari sa amin ngayon. We are very thankful kasi, actually, bihira na kaming magkita ngayon because yung schedule namin.
“He’s focused on Black Rider, I’m focused on Sang’gre. And sa mga pagkakataon na ganito, nagugulat kami na nagtutugma kami sa mga importanteng pangyayari sa buhay namin.
“Hindi namin inakala na at the end, lagi pa ring sabay yung success.”
Pagbabahagi naman ni Ruru: “Sobrang espesyal kasi, yun nga, katulad ng sinabi ko kanina, ito yung kauna-unahang proyekto na ginawa namin.
“But not all the time magkatrabaho kami.
“But we know na hindi man kami magkasama sa lahat ng mga projects na ginagawa namin. Pero yung support, yung love namin sa isa’t isa, nagsisilbing inspiration sa aming dalawa para lalo naming pagbutihan ang aming mga ginagawa.”
BIANCA UMALI ON SANG’GRE
Abala ngayon si Bianca sa training para sa fantaserye na Sang’gre.
“Magsisimula na, excited ako na makasama sila. We started last year pero looking forward naman ako kung ano ang magiging experience ko on set.
“Mahirap talaga, hindi madaling mag-prepare, malaki ang responsibilidad namin bilang mga Sang’gre..
“Napakalaking proyekto ng Encantadia, we will not fail doing Encantadia,” paniniguro ni Bianca.
Katapat naman sa airing ng Black Rider ang FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Tinanong ng PEP si Ruru kung bukas ba siyang makasama sa isang proyekto ang Kapamilya actor.
“Of course, kahit naman sino talagang nakahanda na makatrabaho si Sir Coco especially pagdating dun sa mga action.
“Kumbaga, walang pagdadalawang-isip kung sakaling mangyari.
“Looking forward ako diyan, sana someday mapagbigyan kami, kung ipagkaloob ito ng Panginoong Diyos,” pahayag ni Ruru.