Rita Avila explains post about daughter and death of Jaclyn Jose: “Walang patama sa mga anak niya…”

Nagpaliwanag si Rita Avila tungkol sa Instagram post niya kung saan binanggit niya ang anak-anak na si Kate Cruz at ang pagkamatay ng kaibigan at kapwa aktres na si Jaclyn Jose.

Wala raw siyang masamang ipakahulugan sa kanyang post.

Noong March 6, 2024, ibinahagi ni Rita sa Instagram ang tungkol sa pag-aalala ni Kate sa kanya nang mabalitaang pumanaw na si Jaclyn.

Magkapareho raw kasi ng edad sina Rita at Jaclyn—60.

Saad ni Rita, “Ang kulit ko kasi. Nagwoworry mashado c Kate sa akin.

“Nung nawala c Jaclyn, umiyak sha dahil halos magka-edad daw kami. Natakot sha; sana daw wag muna ako mawala kaya wag na akong makulit sa healthcare.

“Dinamayan sha ni dog Jophiel.”

Dahil dito, nagpapasalamat si Rita dahil may anak-anakan siyang nag-aaruga sa kanyang kalusugan kahit hindi naman sila blood-related.

Mensahe niya, “Salamat sa Diyos Ama na may Kate ako. Sana si Jaclyn din ano, may kasama? (Para may companion sha; a friend, anak-anakan, relative.

“Her children are already adults who naturally have their own lives. Walang mali doon.) Wishful thinking na lang ito para sa kaibigan kasi mas masaya talaga ang may kasama at baka sana naligtas pa sha.

“I felt how lonely she was. Pero iba ang mga kapalaran natin. Iba ang plano ng Diyos sa atin.

“Salamat Kate, anak, sa tunay na pagmamalasakit at pagmamahal.

“At tunay na mga tao kayo ni Jaclyn. Pareho kayong trophies sa buhay ko, Cannes talaga ang level.

“Ayoko ng ang award ay Can(good) lang. Ayoko ng pekeng tao. Ayoko ng akala mo ay sino.

#motheranddaughter #beingreal #authentic

RITA AVILA CLARIFIES HER POST

May ilang netizens na minasama ang kanyang post. Na tila ang dating ay pinasasaringan niya ang mga anak ni Jaclyn dahil wala ang mga ito nang pumanaw ang kanilang ina.

Nagbigay ng kanyang saloobin si Rita tungkol dito sa pamamagitan ng Instagram ngayong Biyernes ng gabi, March 8, 2024.

Aniya, “Tulad ngayon, ang daming kuro-kuro. ‘Sana kasi ganito ang ginawa.’ ‘Dapat kasi ganyan ang ginawa.’ ‘Bakit naman kasi ginanun.’

“Kasama ka ba nila sa bahay mula ng isinilang ang mga anak ni Jaclyn Jose? Naranasan mo bang pumasok sa isip at katawan nila kaya alam mo ang tinahak ng bawat isa sa kanila? Nasa lugar ka ba para kwestyonin at ipa-guilty pa ang mga naiwan?

“I-REST IN PEACE NA MUNA PO ANG ISIP AT BIBIG kung walang buti ang idudulot nyo sa mga naiwan.

“MASAKIT NA PO MASHADO ANG NANGYARI SA KANILA. Hinay-hinay po.

“Hindi lahat ng nababasa o nakikita nyo ay totoo. Marami ang nasisilaw. Marami ang makakapal. Parang totoo pero hindi.

“Ipagdasal na lang natin si Jaclyn at ang kanyang pamilya.”

Sabi pa ni Rita, ang nais niyang sabihin, kung may kasama lang daw si Jaclyn sa bahay ay baka naiba raw ang kuwento.

Mabuti raw ang intensiyon niya sa post.

Saad niya, “Sa isang post ko na ang wishful thinking ko ay sana may ‘KATE’ din si Jaclyn, mabuting wish un para sa isang naging kaibigan dahil malungkot nga daw sha sa pagiging mag-isa at dahil alam ko ang advantage ng may kasamang nagmamahal, nag-aasikaso at nagpapasaya sa akin.

“PERO HINDI KO KWINESTYON ANG SITWASYON NYA. WALANG KINALAMAN UN SA MGA ANAK NYA. I TRUST HER AND HER CHILDREN FOR ALL THEIR DECISIONS.

“(May koneksyon ito sa sinundang post ko.)”

Makikita sa post ni Rita ang mga larawan ng mga anak ni Jaclyn na sina Andi Eigenmann at Gwen Guck.

Si Andi ay nakabase na sa Siargao, at si Gwen ay nag-aaral naman sa Amerika.

RITA LASHES BACK AT BASHERS

Sa comments section ay binuweltahan ni Rita ang bashers na binigyan ng masamang kahulugan ang kanyang post.

Sabi niya: “Malinaw naman na ako ay nagpapasalamat dito sa post ko. At sinasabi kong trophies ko sina Jaclyn at Kate for being true.

“Wishful thinking for a friend na sana may kasama sha kasi alam ko mas sasaya sana sha. Accdg to her interviews, sad at lonely sha. WALANG PATAMA SA MGA ANAK NYA DAHIL ALAM KO NAMAN ANG BUHAY NILA. Wala pong koneksyon sa kanila ang post ko.

“MALISYOSA, WALANG ALAM, MAHILIG LANG MAKIALAM ang makakapag-isip ng marumi na gagawin pa akong masama. Sabagay, pag maraming mabuti, may sisingit na masama. Pag maraming malinis, may sisingit na dumi. Pag marami ang nasa liwanag, may sisingit na dilim.”

“SALAMAT DAHIL MAS MARAMI ANG NASA LIWANAG.”

Binlock na rin daw niya ang mga ito.

Aniya, “Blocked na po ung dalawang di nakaunawa sa post ko kasi sumagot pa rin ng d maganda sa maayos kong reply. I dont need people in the dark.

“To those in the light, pls stay. The world that is getting darker and darker needs u!!!”

Rita Avila answers bashers

Patuloy pa ring dumadagsa ang mga nakikiramay sa mga naulila ni Jaclyn sa Arlington Chapels, Quezon City.

Nakatakda ang inurnment sa mga labi ni Jaclyn sa The Garden of the Divine Word Columbary, sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City, sa Linggo, Marso 10, 2024.