Ruby Rodriguez thrilled to see Maine Mendoza with husband Arjo Atayde in L.A.

Hindi naitago ng dating TV host-actress na si Ruby Rodriguez ang kanyang saya nang muling makita ang dating kasamahan sa Eat Bulaga! na si Maine Mendoza.

Nagpadagdag pa sa kanyang excitement dahil kasama ni Maine ang asawa nitong si Arjo Atayde nang bumisita ang dalawa sa Philippine consulate sa Los Angeles, California, kung saan nagtatrabaho si Ruby mula pa noong May 2021.

Ruby Rodriguez reunites with Maine Mendoza

Mensahe ni Ruby sa kanyang Instagram post, kalakip ang larawan niya kasama sina Maine at Arjo, “It was so nice the feeling of seeing you both after such a long time as Mr & Mrs. @mainedcm @arjoatayde [red hearts emoji].”

Nagpasalamat din ang dating Eat Bulaga! co-host sa mag-asawang Maine at Arjo sa kanilang naging kwentuhan at kumustahan.

Aniya (published as is), “So happy to be of help.

“Thank you for the chat, safe trip and till the next time we see each other again. #legitdabarkads.”

Sa comments section ng post ni Ruby ay agad namang nag-reply si Maine.

Sabi niya, “Thank you, taruuuubs!!! [red heart emojis].”

Noong August 4, bumisita rin sa Philippine consulate sa L.A. ang dating leading man ni Maine na si Alden Richards.

Dito ay nakadaupang-palad din niya si Ruby.

Ruby Rodriguez - IMDb

RUBY’S EXIT FROM EAT BULAGA!

Naging kontrobersiyal ang biglaang pag-alis ni Ruby sa Eat Bulaga! noong 2020 matapos ang mahigit tatlong dekada nito sa longest-running noontime show.

Hindi na nakitang muli si Ruby sa show nang magsimula itong bumalik sa ere nang live noong June 2020 matapos ang pagpaplabas ng mga replay dahil sa pandemya.

Nang tanungin kung bakit siya umalis sa Eat Bulaga!, ang standard na sagot ni Ruby, “Pakiusap, tanungin niyo sila.”

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Ruby noong May 2021, ipinagtapat niyang may balak na talaga siyang mag-file ng leave of absence sa Eat Bulaga! bago pa man magkapandemya.

Ito ay upang samahan at alagaan ang anak niyang si Don AJ na nagpapagamot sa US.

Ayon kay Ruby, ang kanyang anak ay may “very rare autoimmune disease.”

Maayos din daw siyang nagpaalam sa dating president at CEO ng TAPE Inc. na si Tony Tuviera, na mas kilala bilang Mr. T, para sa kanyang naging desisyon.

Ruby Rodriguez starts a new job in the US | GMA Entertainment

Sabi pa raw nito sa kanya, “You will always have a home here in Eat Bulaga!”

Kuwento pa ni Ruby, hindi niya pormal na nai-file ang kanyang leave of absence dahil sa pandemya.

Kaya raw ikinagulat niyang hindi siya kasama sa cast members na pinabalik nang muling mag-live ang Eat Bulaga! sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.

Ang huling proyektong ginawa niya sa bansa ay ang GMA-7 series na Owe My Love (2021) na pinagbidahan nina Lovi Poe at Benjamin Alves.

Matapos ang lock-in taping ng show noong March 2021, lumipad na patungong Amerika si Ruby kasama ang asawang si Mark Aquino at ang kanilang dalawang anak na sina Toni at Don AJ.