Kapuso actress Sanya Lopez recalls separate encounters with top leading men Joshua Garcia (top) and Dingdong Dantes (bottom)
Hindi makalimutan ni Sanya Lopez ang paglapit sa kanya ni Joshua Garcia sa red-carpet premiere ng Unbreak My Heart sa TriNoMa noong May 20, 2023, kaya nadagdagan ang paghanga niya sa Kapamilya actor.
Ikinuwento ni Sanya ang anekdota niya tungkol kay Joshua sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda.
Lahad ng Kapuso actress, “Una ko siyang nakita sa Unbreak My Heart, sa isang mall. Very genuine. Kinausap niya ako, kasama niya yung relatives niya.
“Sabi niya, ‘Puwede bang magpa-picture?’ Siya yung lumapit sa akin para sabihin niya sa akin na, ‘Puwede bang magpa-picture yung family ko?’
“Sabi ko, ‘Oo naman!’ Ako pa yung nahiya sa sarili ko bilang si Joshua na sikat na siya.
“Para gawin niya yon, puwede naman yung mismong kamag-anak niya ang gumawa, siya talaga. Hindi siya nahihiya.
“So, yun pa lang, parang feeling ko magiging okay kami kapag nagkasama. Para wala kaming dull moments.
“Nag-congratulate ako sa kanya, ‘Congratulations po sa Unbreak My Heart ninyo. Ang ganda.’
“Sabi niya, ‘Thank you! Thank you!’”
Naranasan ni Sanya na maging tagahanga ng mga artista kaya alam niya ang pakiramdam ng mga taong napagbibigyan ang kahilingang magpakuha ng litrato na kasama ang mga iniidolong showbiz personality.
Sina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang mga artistang hinahangaan ni Sanya noong bata pa siya at naninirahan sa isang bayan ng Bulacan.
Natatandaang mabuti ni Sanya nang makipag-kamay sa kanya si Dingdong na isang dahilan para maging tagahanga siya ng aktor na kasamahan na niya ngayon sa GMA-7.
“Bata pa lang po ako noon. Nagpunta siya sa Bulacan, nagparada si Kuya Dong.
“Binuhat ako ng nanay ko. Nakipagkamay siya [Dingdong] sa akin kahit malagkit ang kamay ko. Kinamayan niya ako, parang aliw na aliw na ako sa kanya.
“Hindi ko makalimutan kasi maganda ang ibinigay sa yo. Kapag super fan ka at na-disappoint ka, masakit sobra,” lahad ni Sanya tungkol sa karanasan nito bilang fan.
Sinusuklian din ito ni Sanya ng kabutihan buhat nang maging artista siya.
“Pinagbibigyan ko sila kasi mahirap magsabi ng hindi at yun lang ang mga bagay na maibibigay ko sa kanila. Yun lang ang kaligayahan nila, bihira ka nilang makita.
“May pagkakataong pagod na pagod ka, pero kung hindi naman dahil sa kanila, wala ako dito,” sabi ni Sanya, na nananatili na mapagkumbaba kahit nakagawa na siya ng sariling pangalan sa entertainment industry ng Pilipinas.