GORGY RULA
Hindi pa kinukumpirma ng aming reliable source kung totoo bang mid of October na magsisimula ang 12-day suspension ng It’s Showtime.
May ibinigay sa aming eksaktong date, pero hindi pa raw ito official. Mas mabuting hintayin na lang daw ang kanilang official statement.
Ayon sa ilang napagtanungan ng PEP Troika, hindi na umapela ang It’s Showtime sa Malacañang. Hindi rin sila kampanteng mapagbibigyan sila dahil baka meron pang kumontra, kaya tinanggap na lang nila ang suspension at pinaghahandaan na nila ngayon.
HINDI PA ITO KUMPIRMADO. Pero ang isa pa sa nasagap naming kuwento, posibleng papalitan muna ang It’s Showtime ng pansamantalang programa na iba ang magho-host.
Ewan ko lang kung totoong wala sa regular hosts ng It’s Showtime ang lalabas sa ipapalit na programa na ibang-iba sa format ng naturang noontime show.
Tingnan natin kung ano ang sasabihin dito nina Vice Ganda, bago sila pansamantalang magpaalam.
NOEL FERRER
Mainit na pinag-uusapan ang 12-day suspension na issue ng It’s Showtime, kaya lagi itong nagte-trending.
Pero wala namang pagbabago sa ratings. Hindi pa rin ganoon kataas ang ratings nito, ayon sa datos ng AGB NUTAM.
Noong nakaraang Biyernes, September 29, ay 2.8% ang aggregated rating ng It’s Showtime. Ang Eat Bulaga! ay 3.2%, at ang E.A.T. ay 4.2%.
Noong Sabado, September 30, ay 3% lamang ang It’s Showtime, ang Eat Bulaga! ay 3.7%, at 5% naman ang E.A.T.
Tataas kaya ang rating ng pansamantalang kapalit na programa ng It’s Showtime?
JERRY OLEA
Noong Setyembre 29, Biyernes ng gabi, ay isa si Vice Ganda sa honorees ng closing ceremony ng 3rd Philippine Film Industry Month nitong Setyembre 29, Biyernes, sa Acacia Hotel sa Alabang, Muntinlupa City.
Ang tumanggap ng kanyang tropeyo ay si Daniel Saniana ng Star Cinema.
Kinabukasan, Sabado, sa It’s Showtime, hawak na ni Meme Vice ang award at nagpasalamat siya sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa nasabing parangal.
Binati ni Vice ang kapwa honorees na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at sinang-ayunan ang mensahe ni Michael V na mahirap maging komedyante nowadays.
Kabilang sa pinag-alayan ni Vice ng award ang dyowang si Ion Perez.
Noong Sabado night, in full force ang pamilya ng It’s Showtime sa ABS-CBN Ball sa Shangri-La Makati. Tamis-tamisan ang mga ngiti nina Vice at Ion.
Nitong Oktubre 1, Linggo, naglabas ng statement ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kaugnay sa no-work-no-pay para sa mga staff ng It’s Showtime.
Opo! Kahit sarado ang upisina ng MTRCB, nagpalabas sila ng statement.
Nitong Oktubre 2, unang Lunes ng buwan, umpisa na ng semi-finals ng “Mini Miss U” segment sa It’s Showtime.
Naulinigan ng PEP Troika na bandang kalagitnaan ng Oktubre ay “magpapahinga” na ng dalawang linggo ang nasabing programa.
Inusisa namin ang isang Kapamilya kung may ilalabas ba silang bagong pahayag kaugnay sa It’s Showtime ngayong Lunes.
“Wala kaming bagong statement. Yung sinabi namin last week ay yun pa rin,” sabi ng aming Kapamilya source.
Noong Setyembre 28, Huwebes huling naglabas ang ABS-CBN kaugnay sa isyung ito.
Ang kanilang statement, “Naihain na sa amin ang desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board na itinanggi ang aming Motion for Reconsideration para sa programang It’s Showtime at pinag-aaralan namin ang aming options.
“Samantala, habang hindi pa final at executory ang ipinataw na suspensyon, nais naming ipaalam sa aming viewers na patuloy pa rin nilang mapapanood ang It’s Showtime sa Kapamilya Channel, A2Z, at GTV. Pwede rin itong mapanood sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
“Buong puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng nagmamahal, sumusuporta, at nanonood ng aming programa. Patuloy kaming maghahatid ng saya at inspirasyon sa aming minamahal na Madlang People.”
“Que Sera, Sera (Whatever Will Be, Will Be)…” ang kantang iyan ay unang na-publish noong 1955, at inawit ni Doris Day sa pelikulang The Man Who Knew Too Much (1956) na idinirek ni Alfred Hitchcock.
Swak ba iyan sa mga kaganapan sa It’s Showtime, pati na rin sa MTRCB at sa Battle of Noontime Shows?