Vice Ganda on KathNiel br.eakup: “Gusto ko silang makita na masaya ulit.”

Vice Ganda reacts on KathNiel breakup

Hindi naitago ng TV host-comedian na si Vice Ganda ang kanyang pagkalungkot sa paghihiwalay nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Si Vice ay kilalang malapit na kaibigan ng dalawa.

Sa panayam ng ABS-CBN entertainment reporter na si MJ Felipe nitong Martes, December 5, 2023, inihayag ni Vice ang kanyang saloobin sa pagwawakas ng labing-isang taong relasyon ng KathNiel.

Ani Vice, bukod sa pagiging malapit sa dalawa ay masugid din siyang tagahanga nina Daniel at Kathryn kaya ganoon na lamang siya kalungkot sa nangyari.

Saad niya “I’m sad. Until now I am sad.

“Yung damdamin ko bilang malapit sa kanilang dalawa, bilang fan nilang dalawa, yon malungkot.”

Batid daw ng It’s Showtime host na ang nararamdaman niyang kalungkutan ngayon ay maiintindihan ng iba, lalung-lalo na ang KathNiel fans.

Aniya, “Parang hindi yata normal kung magiging masaya tayo na nakikitang may dalawang taong malungkot.

“Dalawang tao na dating masaya, tapos ngayon hindi na masaya sa piling ng isa’t isa.

“Normal na damdamin lang yon, na katulad ng iba na malungkot.”

Parehong importante at kaibigan daw ni Vice sina Daniel at Kathryn kaya naman wala siyang ibang hangad kundi ang kasiyahan at kapayapaan sa puso nila.

Sabi niya, “I wish them peace, healing, and joy.

“Gusto ko silang makita na masaya ulit.”

Panawagan pa ni Vice, “Kung ano man ang pamamaraan nila ng pagmu-move on, suportahan na lang natin.”

KATHNIEL BREAKUP

Noong November 30, 2023, halos magkasunod na nag-post sa Instagram sina Kathryn at Daniel para ianunsiyo sa publiko na nagwakas na ang labing-isang taon nilang relasyon.

Sa kanilang statement, kapwa nila pinasalamatan ang isa’t isa dahil sa ilang taon nilang pagsasama hindi lang bilang magnobyo’t magnobya kundi bilang magka-love team, ang KathNiel.

Bahagi ng pahayag ni Kathryn, “I’m well aware of the rumors and speculations going around, and as hard as it is to put everything into words, I want you to hear it straight from me; It’s true that Deej and I have decided to part ways.

“Like any relationship, we tried our best to make it work. We’ve been drifting apart for a while now, and we ultimately had to accept that we can’t go back to were we used to be.

“It just won’t be fair to pretend that everything is still the same.”

May mensahe rin si Kathryn sa fans nila ni Daniel.

Aniya, batid niya na nasasaktan ngayon ang KathNiels gaya ng nararamdaman nila ngayon ni Daniel.

Pakiusap niya, sana maintindihan sila ng mga ito at samahan sila sa bagong yugto na tatahakin nila na magkahiwalay.

Sa statement naman na inilabas ni Daniel, sinabi niyang hindi mawawala ang pagmamahal niya kay Kathryn sa kabila ng kanilang hiwalayan.

Hindi nagbigay ng dahilan si Daniel kung bakit sila nag-break ni Kathryn.

Pero aniya, nagwakas man ang relasyon nila ni Kathryn, ang pagmamahal niya rito ay hindi matatapos.

Ang makatang pahayag ni Daniel: “Pagibig.

“Sa mundo, buhay at sa limitadong oras na tayo ay nandito,

“Isang malaking biyaya ang pagmamahal.

“Ang mahalin ka. At mahalin mo.

“Ang mga alaala natin ay laging kong baon sa aking puso at magiging liwanag sa mga madidilim kong araw.

“Thank you for dancing with me during my highs and thank you for singing with me during my lows

“Our lives may drift away, but our love will still ride that tide.”