Sobrang challenging para sa 19-anyos na si Louise Abuel ang pagganap niya sa teleseryeng The Iron Heart.
“Hindi po ako maaksyon na tao, e,” pag-amin ni Louise sa final mediacon ng The Iron Heart nitong Setyembre 28, 2023, Huwebes, sa Seda Vertis North Hotel, Quezon City.
“Mula bata po ako ay drama na ang ginagawa ko. Kaya kaming calawa po ni Anthony [Jennings], every time na meron kaming action, makikita namin sa sequence guide the night before, nae-excite kami.
“Dahil po dun, medyo hindi halata pero nag-workout po ako dahil sa Iron Heart.”
Nakasabay ba niya sina Richard Gutierrez at Jake Cuenca sa pagwo-workout kung umaga?
“Sadly po, hindi po ako nakakagising nang umaga. Pero nakakasabay ko po minsan… actually, naabutan ko po sina Kuya Christian [Vazquez] mag-workout.
“But usually po, afternoon kami ni Anthony nagwo-workout. Pagkagising namin around 10:00 or before merienda, around 4:00.”
Nagpu-football pa si Louise, kaya nabawasan siya ng timbang.
FUTURE ACTION STAR?
Gusto ba niyang maging action star?
“Actually, every time po na may action kami sa Iron Heart, nae-excite kaming dalawa ni Anthony Jennings,” lahad ng binata.
“Kasi, sabi namin, wala pang halos mga kasing-edad namin na gumagawa ng action ngayon, or yung mga rising action stars.
“So, sabi ko, why not? Hindi natin tatanggalin yun sa atin. Na if ever magkaroon ng action na teleserye, or action na pelikula, we’re available. We’re ready.
“And magte-train kami for it.”
Kinilala na ang husay ni Louise na magdrama sa Cinemalaya 2019 film na Edward, sa direksyon ni Thop Nazareno.
“Ngayon po, gusto kong i-try lahat, e. Kasi, nagawa ko na po yung drama. And then nakapag-sitcom na ako nung 2020 with Oh My Dad!, with Ate Dimples [Romana] din,” lahad ni Louise.
“Pero ngayon, ibang mundo sa akin ang action. Gusto ko lagi yung out of the box, yung mga bagay na hindi ko pa nagagawa.
“Kasi, dun ako maggo-grow as an actor.”
Kaya na ba niyang magpa-abs?
“Ahhm three months. If kailangan siguro, kayang-kaya pa po.”
ELIJAH CANLAS
Out of the box projects ang gusto niya. Iyong mga role na medyo… mas agresibo? Intense?
“Ahhmm just to say, hindi po natin isinasara yun. But if it’s needed sa character, then I’ll go for it. I’ll do it,” sabi ni Louise.
“Kasi yun naman ang tinitingnan ko lagi sa isang teleserye, kung paano ko pa mapapaganda yung character ko. If kailangan siya, I’ll do it.”
Sumuporta sa kanya sa pelikulang Edward si Elijah Canlas, na gumawa ng out-of-the-box roles sa mga pelikulang Kalel, 15 at Livescream, pati sa Pinoy BL series na Gameboys. Kaya niyang gawin yung mga ginagawa ni Elijah?
“Yes. Yes po! Ahhh willing po akong gawin pag may darating na ganun.”
Sa Livescream, may butt exposure si Elijah, at wagas ang jacuzzi scene nila ni Kat Dovey.
Sa Gameboys, nakipaglaplapan si Elijah kay Kokoy de Santos.
Keri na niyang magpakita ng wetpaks, at makipaghalikan sa kapwa lalaki?
“Si Elijah po kasi, to be honest, walang halong biro, idol ko talaga si Elij pag akting,” pagsisiwalat ni Louise.
“Edward pa lang, nakita ko na siya na, ‘Ibang klase ‘to! Nanlalamon ng akting!’ And alam ko, lahat, kayang gawin ni Elijah.
“Kasi, mahal niya yung acting more than anything.”
Kakayanin ba niyang magpakita ng butt? Makipagromansahan sa kapwa lalaki.
Natigilan nang ilang sandali si Louise, “Ahhmm… for acting… maybe, yes. Ever since, gusto kong maging aktor.
“If kailangan sa acting, I’ll do it.”
ON DOING INTIMATE SCENES
Hindi pa raw naiisip ni Louise kung sino man ang gusto niyang maka-intimate scene.
“For me, ngayon 19, alam natin na ito yung age na pa-take off pa lang tayo sa mga ganyan, sa love team,” sabi ni Louise.
Nasa ABS-CBN na rin si Elijah, at gusto ni Louise na makatrabaho ito muli.
“Gusto ko ring makatrabaho uli, ahh… simula bata ako, Ikaw Ay Pag-ibig [2011] — Mutya [Orquia], Xyriel [Manabat], Zaijian [Jaranilla], at ako,” lahad ni Louise.
“Kami ang magkakasamang apat dun. Reunion, mga ganun. I’m open for it.”
Sa panahon ngayon, hanggang saan ang kaya niyang gawin?
“Actually, acting is sobrang challenge kasi ang dami nang willing gumawa ng role na ahhmm hindi natin… parang not for everyone, out of the box!” bulalas ni Louise.
Dagdag niya, “It’s not for everyone. But for me, I’m willing to do it.”
Kumpara sa ibang kasabayan niya, meron na siyang napatunayan. Kaya mas mataas ang expectations sa kanya.
“Yes, pressure po minsan, na kailangang gawin yon. But for me, nakakatulong yung pressure. Kasi, mas ginagalingan ko pag pressured ako.”
Saan siya mas malapit, sa conservative o sa adventurous?
“In real life, I’m very adventurous but conservative at the same time. Alam ko yung lugar ko kung saan ako magiging adventurous,” sambit ni Louise.
“But sa roles, I can do both. I can do both worlds, underground or extreme, I’ll do it.”
Sa edad na 19, nate-tempt ba siya? May mga young actress na vocal sa mga bet nila sa mga kakontemporaryong lalaki.
“I think I’m not pressured naman po about that. I’m very open. Naiintindihan ko naman na Gen Z kami, so ganun lang talaga,” saad ni Louise.
“But good luck. Good luck sa amin!”
Nakailang girlfriend na siya?
“Ahhhh hindi ko po sure, e. Ahhhh… Hindi natin maiiwasan na magkaroon ng inspiration sa buhay natin.”
May inspirasyon ba siya ngayon?
“Ngayon? Maybe let’s just say… it’s classified but maybe,” pagngiti pa ni Louise.