Nagsalita na rin ang mga magulang ng sanggol na nag-viral sa concert ni JK Labajo sa Paniqui, Tarlac, nitong nakaraang March 17, 2024.
Hindi diumano totoong dalawang buwan pa lang ang kanilang anak na si Baby Fiyana kundi seven months old na.
Sa panayam kay Niel Patrick Tubino at asawa niyang si Fyan Tubino ng GMA News Online ngayong araw, March 28, 2024, sinabi nilang ang kanilang anak ay nabighani talaga sa mga awitin ni JK.
Sinadya raw talaga nilang magpunta sa concert ng singer at kasama ang kanilang anak.
Sabi ni Niel, “Sabi ng netizens, 2 months lang yung baby namin. Hindi siya 2 months. Mag-8 months na siya.”
Ipinakita rin nila ang banner na nagsasabing, “Kahit isang karga lang mula sa pinakabata mong fan, Kuya JK.”
Sabi sa ulat, isinigaw raw ni Niel ang sumusunod: “2 months pa lang, kasama ka na nito!”
Ito rin ang parang narinig ni JK na nagtatanong ng, “Two months?”
Matatandaang nag-viral ang video na ipinost sa Facebook ng isang netizen na may account name na LifeofEs kung saan makikita rito ang 23-year-old singer na inasikaso ang bata sa audience
Caption ng post, “JK Mas nag worry pa sa 2 months old na Baby kaysa sa sariling magulang ng bata [emoji]
“Huwag nating i-sacrifice ang kaligtasan ng anak natin kaysa sa panandalian nating kaligayahan”
Fan na raw talaga ng mang-aawit na si JK ang kanilang anak mula pa noong dalawang buwang sanggol pa lamang ito.
Aniya, “May magandang song si JK na narinig ko sa Senior High.”
Noong nalaman daw niya ang title ng song, kaagad nila itong hinanap sa YouTube, kung saan narinig ng bata ang kantang “Ere.”
Gustung-gusto diumano ng kanilang anak ang kantang ito at naging pampatulog na niya.
Saad niya, “Naalala ko yung sinabi ng pedia sa akin na, ‘Music can soothe babies, music can calm them, can make them relax.’
“So di ko naman in-expect na doon sa song na yun ni JK, doon siya mari-relax.
“Every time na magpi-play yun, napapansin kong tumatahimik siya.
“Kasi si Baby namin, very iyakin. So noong pinagtugtog ko yung ‘Ere,’ bigla siyang tumahimik ‘tapos hinehele ko, nakatulog.
“Noong paulit-ulit na nung narinig namin, ginawa ko na siyang pampatulog.
“Nakita namin na tumatahimik siya once iyon na yung song.”
Bukod sa “Ere” gusto rin daw ng anak nila ang kantang “Tapusin Na Natin To” ni JK featuring Paolo Benjamin ng Ben&Ben.
Dati na raw nilang sinubukang ipakilala kay Fiyana ang ibang bagay katulad ng Cocomelon pero, “Umiiyak siya. Ayaw niya. So ibabalik namin siya kay JK ‘tapos doon siya tatahimik.”
Inamin ng ina na may mga kumukuwestiyon na raw sa kanilang responsibilidad sa bata dahil hindi angkop ang lyrics ng kanta sa edad nito.
May pagmumura kasi na salita sa mga titik ng kanta.
Sa chorus nito ay may mga salitang: “Hmmm, di ba? Nakakaput^ng i*a…”
Paliwanag niya, ito lang daw ang kayang makapagpakalma sa bata.
Aniya, “Siyempre alam naman natin na yung mga baby di pa nila alam yung words.”
Kung malaki na raw ang kanilang anak at maintindihan na nito ang mga salita sa kanta ay baka hindi na rin ito makikinig pa.
AT THE CONCERT VENUE
Noong nalaman daw nila na may performance ang December Avenue at si JK sa kanilang bayan sa Paniqui, minabuti raw nilang dumalo para marinig ng kanilang anak nang live ang idolo.
Tulog na tulog daw ang kanilang anak noon.
Kuwento niya, “Si Fiyana kasi, the louder the music, the better she sleeps, so nung naririnig niyang may tumutugtog na, unti-unti na siyang nakakatulog.”
Noong nagsimula na raw si JK, minabuti nilang makuha ang atensyon ng singer at itinaas pa nila ang ginawang banner.
Nagtagumpay naman sila dahil bumaba sa stage si JK.
Binasa niya nang malakas ang banner at ipinakita ang pagkahabag para sa bata na umiiyak na noong mga oras na iyon.
Paliwanag nila, umiyak daw ang bata dahil sa dami ng taong nagsigawan.
Sabi ni Fyan, “Kaya sabi ni JK umiiyak si Baby kasi si Mister ko tinataas niya bigla si Baby, ‘tapos nagugulat siya sa mga tili ng tao sa paligid, kaya umiiyak. Hindi dahil hindi siya kumportable or naiingayan.”
Pinabulaanan nila ang akusasyong kinarga ni JK ang anak para kumalma.
“Sabi ko, ‘Kahit isang karga lang.’ Tas nung binuhat na niya, dun tumigil si Baby.”
Pinirmahan din daw ni JK ang feeding bottle ng kanilang anak at inimbitahan pa sila nito backstage.
Nagpaliwanag din sila sa concern ng netizens tungkol sa kaligtasan ng bata.
Sinusunod lamang daw nila ang payo ng kanilang doktor.
Sabi naman ni Niel, “Yung anak namin, makikita mo makapal ang buhok. Suggestion din ng doctor niya na wag maglagay ng [bonnet] kasi baka di namin mapansin at matuyuan siya ng pawis.
“Bakit wala siyang medyas? Alam naming pawisin siya kapag walang aircon. Yung mini-concert sa Tarlac, outdoor concert yun. Di namin siya puwedeng balutin, kasi mamamawis siya.”
May tatlo din daw silang kasamang supervising adults, isa sa mga ito ay doktor.
Pinabulaanan din nilang ginamit lang nila ang bata para mapansin ng singer.
Hindi rin daw sila dumalo sa concert kung hindi dahil sa kanilang anak.
Ayon kay Fyan, “Personally, at bilang nanay, hindi ko yun gagawin dahil lang trip ko si JK.”
Matapos ang insidente, dinedma na raw nila ang comments ng netizens na wala namang kinalaman sa kanilang buhay.
Sa kabila ng pangyayari, grateful pa rin daw sila kay JK dahil sumaya ang kanilang anak.
Ani Fyan, “Thankful at binigyan niya ng airtime si Baby. Napagbigyan niya kaming parents.
“Core memory yun at balang-araw makikita ni Fiyana na sa edad niyang yun nakarga siya ni JK na super idol nya.
“Maaaring malimutan agad ni JK yun pero sa amin, sobrang tatatak yun. Kaya thankful kami sa kanya.”