Dingdong Dantes at Marian Rivera, makatatanggap ng Box Office Heroes award sa 7th Eddys

Congratulations, Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera!

Hindi maikakaila na kabilang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa mga premyadong aktor sa Philippine showbiz dahil sa kanilang husay sa pag-arte at tagal na rin sa industriya.

Kaugnay nito, isang bagong pagkilala ang kanilang matatanggap sa 7th Entertainment Editors’ Choice Awards dahil kabilang sila sa pararangalan na Box Office Heroes.

Ang naturang pagkilala sa Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong at Marian ay para sa kanilang top-grossing at comeback movie na Rewind.

Makikita sa official Facebook page ni Marian ang kaniyang labis na pasasalamat sa naturang award.

Matatanggap ng celebrity couple ang kanilang award sa July 7 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts.

Ang EDDYS ay isang award giving body na nagbibigay karangalan sa filmmakers, actors, writers, directors, workers, at producers sa Philippine film industry.

Bukod dito, iginawad din kina Dingdong at Marian ang Bida sa Takilya award sa naganap na 72nd FAMAS Awards.

Noong May 12, kinilala ang power couple bilang Box-Office Phenomenal Stars of Philippine Cinema at Most Popular Loveteam for Movies sa naganap na Box Office Entertainment Awards 2024.

Kasalukuyang bumibida si Marian Rivera bilang Katherine/Grace sa My Guardian Alien, na mapapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime, Pinoy Hits, and Kapuso Stream.

Bibida rin ang renowned actress sa 2024 Cinemalaya film Balota, na co-produced ng GMA Pictures kasama ang GMA Entertainment Group, in cooperation with Cinemalaya.

Samantala, mapapanood naman si Dingdong Dantes sa Family Feud Philippines tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:40 p.m., sa GMA.