Bida si Erin Ocampo sa unang pelikula ng Goblin Films, ang The Last Resort na mapapanood sa website ng kumpanya umpisa sa Setyembre 26, 2023.
Sinasabing direktang kakumpitensiya raw ng mapangahas na Vivamax ang Goblin kaya’t ine-expect nang maraming sexy scenes ang pelikula ni Erin.
Kaya’t tinanong siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung may breast exposure ba siya sa pelikulang nagtatampok din kina Paolo Paraiso at Oliver Aquino at sa ilalim ng direksyon ni Jay Altarejos.
“Ha-ha-ha! Abangan niyo po!” bulalas ni Erin sa mediacon ng pelikula nitong Setyembre 22, Biyernes, sa Limbaga 77 restaurant, Sct. Limbaga St., Quezon City.
Normal nang may pa-boobey exposure sa mga pelikula ng Vivamax, lalo na sa mga bidang babae, ganun din ba sa pelikula niya?
“Hindi po siya actually normal to me, kasi hindi talaga ako pumayag about dun,” pahayag ni Erin.
“Kasi siyempre, hindi naman po kami nakikipagkumpitensya sa kabila [Vivamax]. So kaya ko rin po tinanggap ang movie na ito, kasi ahhmm… maganda talaga ang story.
“And yung paggawa po namin, siyempre, hindi na rin maiiwasan yung mga… lalo na yung part namin ni Paolo Paraiso, grabeng madugo po talaga yun.”
Ipinagdiinan niya na may part ng The Last Resort na kapareho ng sa Vivamax, pero hindi siya ang gumawa niyon.
Introducing sa pelikula sina Mia Alvarez, Chloe Garcia, at Czarina Chong. Malamang na ang mga ito ang nagbuyangyang ng private parts.
Aminado si Erin na meron pa rin siyang limitasyon sa mapangahas na eksena.
Paliwanag ni Erin, “I’m still a mom. And yung anak ko, sobrang ahhh… pagdating sa pagdadamit ko, ‘Mom, your dress is inappropriate! Like…change!’
“Ganun siya. He’s turning 8 na this coming December.”
Sinabi ba niya sa anak na si Kiel na may ganito siyang klaseng project?
Napailing si Erin, “Hindi. Hindi! Hindi na po. Hindi ko na lang sinabi sa kanya. Pero siyempre, hindi natin alam, mamaya paglaki niya, pag nanonood na siya, makikita at makikita niya.
“So as much as possible naman po kasi, ahhmm I’m doing films like this pero hindi po yung paganun na.
“Kasi meron din po akong teleserye ngayon, Love Before Sunrise, kay Bea Alonzo. Hindi ko po nili-limit ang sarili ko sa mga puwede kong gawin.”
ERIN’S SON KIEL
Ikinukunsidera ni Erin ang anak na si Kiel maski sa mga litratong ipino-post niya sa Instagram.
“Even yung last year na birthday shoot ko na nag-topless ako pero nakatalikod ako, yung parang shot lang… binura ko,” pagtatapat ni Erin.
“Kasi yung anak ko, nagagalit sa akin, ‘Mom, why did you need to do that?! You’re not respecting your…’ Di ba?! Ganun na siya.”
Wala bang hilig mag-artista si Kiel?
“Hindi ko pa po masabi. Pero ngayon, school muna. Pero hindi ko masabi, ang galing kumanta!” pagmamalaki ni Erin.
“Mana sa tatay niya, ang taas ng boses. Nakuha kay Michael [Pangilinan] ang boses, e. ‘Tapos nagpe-painting din. Nakuha naman sa akin ang kamay.
“Matalino. Honor student. Nasa international school siya ngayon kasi.”
Kumusta ang relasyon ngayon ng mag-amang Michael at Kiel?
“Nasa kanya po ngayon. Every week, nakukuha niya. Every Wednesday to Friday, nasa kanya. OK na po,” sabi ni Erin.
EXPLAINING ERIN AND MICHAEL’S SITUATION TO KIEL
Wala nang isyu sa pagitan nina Erin at Michael?
Pahayag ni Erin, “Actually, I’m very happy for him. Di ba, may baby girl na siya? Na parang… kumbaga kahit ano yung pinagdaanan namin in the past, kahit na hindi maganda, siyempre, di ba?
“Like ganun talaga. Nangyayari talaga yun sa totoong buhay. Kung iisipin mo nga, worse pa yung sa iba, di ba?”
So, nakakapag-bonding si Kiel at ang kanyang baby sister?
Mabilis na tugon ni Erin, “Yes po.”
Paano niya ipinaliwanag kay Kiel ang sitwasyon?
“Actually, mahirap, e. Lalo na sa age nung anak ko, age ng anak namin, mahirap siyang i-explain,” saad ni Erin.
“Kasi nagwa-wonder siya, ‘Bakit yung mga classmates ko, buo ang family pag pupunta sa ganitong event?’
“Or sa birthday niya sa school. ‘Tapos ako lang, or yung dad niya lang. Hindi niya kami nakikitang buo.
“So growing up naman, hindi kami nagkulang ni Michael how to explain it to him na, ‘Ganito, mom and dad are best friends. Like they have their different lives.’
“May mga tanong siya while growing up na unti-unti naming ine-explain sa kanya. Kasi, nature na yun ng bata.
“Parang nagwa-wonder siya, ‘May mom at dad ako pero hindi ko sila nakikita nang buo.’”
Nade-depress ba si Kiel dahil sa sitwasyon ng kanilang pamilya?
“Hindi ko po masabi. In some ways, nakikita rin attitude niya. Kaya minsan, pasaway siya,” pagsisiwalat ni Erin.
“Ano yun sa atensyon. So ngayon balak namin siyang ipa-check up. Kasi nga, nagkaka-problem sa attitude niya. Parang nagkakaroon siya ng mga pagwa-wonder niya.”
Magkasundo sa co-parenting set-up sina Erin at Michael. What about sa financial support naman?
Napabuntong-hininga si Erin, “Sa financial support, kasi, same pa rin naman po. Ganun pa rin.
“Parang ako, sabi ko na lang sa kanya, ‘Sige, huwag na.’ Kasi andami na naming issues before, di ba?
“Hindi na ako nag-demand sa kanya ng kahit ano. Basta yung school ng bata, tulungan kaming dalawa. International school, e. Hanggang college!”
CONSIDERING BLENDED FAMILY SETUP
Single ngayon si Erin pero open to dating.
“Pero hindi po talaga yun ang pinaka-priority ko ngayon. Especially marami akong ginagawa na project, di ba?” paglilinaw ni Erin.
“’Tapos nanay pa ako. Pero I’m open. Hindi ko naman po ikino-close ang doors ko sa mga dating stage o kaya mga relationship.”
Open ba siya sa possibility ng blended family? Na maging OK rin sila ng girlfriend ni Michael na si Garie Concepcion? As in sama-sama sila paminsan-minsan?
“Ako po, OK ako dun. Na parang… darating ang time na magkakasama kami sa family day,” salaysay ni Erin.
“Alam mo yun? Kasi, normal na yun, e. Matagal ko na po yung ino-offer sa kanila. Lalo na kay Michael.
“Matagal ko na yung ino-open na, ‘O, kung may problema kay Garie na magpa-family day tayo, puwede mo naman siyang isama.’
“Ganun, para… hindi ko naman intensyon na kaya magpa-family day, para mag-rekindle kami.
“Antagal na panahon na yun! Ang akin lang, pinaka-concern ko lang is yung anak ko. Na kahit man lang once a month, di ba? Ma-feel niya na, ‘Ahh, buo ang family ko.’
“Kasi that’s all that matters talaga, pagdating sa bata na lumalaki.”
ON MEETING GARIE
Kumusta sila ni Garie? Game ba siya na magkakasama silang tatlo nina Garie at Michael?
“Game ako, kasi, sa akin, hindi naman siya personally. Hindi naman namin gagawin yun para sa akin or para sa kanya,” pagmamatwid ni Erin. “Para sa anak namin.”
Nagkita na ba sila ni Garie?
“Una sa video call. Yung anak ko, nandun sa kanila. ‘Tapos yung anak ko, siyempre walang alam, ‘tapos sabi niya, ‘Hey, mom! This is Tita Garie!’
“Ginanun na lang niya bigla yung phone,” pagmumuwestra ni Erin.
“So parang nagkagulatan kami. ‘Hi!’ ‘Hi!’ First time namin. ‘Hi! How are you?’
“’Tapos ang second time, sinundo nila ni Michael yung anak ko sa bahay. Ako yung naghatid. Nakita ko sila. OK naman.
“Pero yung personal na nagkausap, hindi pa.”