Netizens call out Joey de Leon for “lubid” joke on ‘E.A.T.’; dare MTRCB to step in

Trending online ang veteran comedian at TV host na si Joey de Leon simula pa kahapon, September 23, 2023.

Hindi nakaligtas sa mapanuring netizens ang binitawang biro ni Joey sa gitna ng game segment na “Gimme 5” ng noontime show na E.A.T. na napanood sa TV5 kahapon, araw ng Sabado.

Sa round one ng nasabing segment ay kailangang magbigay ng contestant ng limang bagay na isinasabit sa leeg.

Makikitang nahihirapan ang contestant mag-isip ng isasagot at tanging “necklace” lang ang nabanggit nito hanggang sa tuluyang maubusan na siya ng oras.

Marami ang tila nagulat sa suhestiyon ni Joey na maaaring isama sa listahan ng mga puwedeng kasagutan.

“Lubid, lubid, nakakalimutan niyo,” bulalas ni Joey na may halong pagbibiro.

Para sa ilang netizens, foul at inappropriate ang binitawang salita ni Joey dahil sa korelasyon ng lubid sa paksa ng suicide o pagpapakamatay.

Ayon sa mga pumuna, insensitive ang biro ni Joey lalo na sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili.

ONLINE BASHING

Sa X (dating Twitter) ay pinutakte si Joey ng kritisismo mula sa ilang mga nakapanood.

“Ang lala ni Joey de Leon, tumandang paurong talaga!” bulalas ng isang netizen.

Hirit naman ng isa, “Joey de Leon, deboto ka ng Catholic Church di ba? Bakit mo gagamiting punchline ang ‘lubid sa leeg?'”

Mayroon namang tinawag si Joey na “basura, “outdated ang jokes,” at “wala talagang sense” ang mga biro.

“My mom’s an Eat Bulaga fan ever since pero never talaga ako natuwa sa Joey de Leon na yan. Bukod sa corny ng mga jokes, bastos na, pangit pa ng way ng pag-iisip,” komento ng isang netizen.

Sa oras na isinusulat itong artikulong ito ay meron nang 2,419 posts tungkol kay Joey sa X kaugnay ng insidente, dahilan para maging top trending topic ito.

WILL MTRCB MAKE A MOVE?

Kasabay nito ay ang pagkalampag ng netizens sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipatawag ang beteranong komedyante dahil sa biro nitong napanood nang live sa telebisyon.

Matatandaang naging laman ng balita ng MTRCB matapos nitong patawan ng 12-day suspension ang rival nootime show ng E.A.T. na It’s Showtime.

Nagmula ito sa icing licking incident sa pagitan ng hosts ng It’s Showtime at real-life couple na sina Vice Ganda at Ion Perez.

“Viewers have lodged multiple complaints before the MTRCB concerning the show’s 25 July 2023 episode wherein the program’s hosts allegedly acted in an indecent manner during one of its segments, ‘Isip Bata,'” paliwanag ng MTRCB sa statement na inilabas sa publiko.

Hindi kumbinsido ang ilan sa pananaw ng MTRCB at inakusahan ang ahensya ng “selective censorship.”

May bahid ng pulitika sa mata ng ilan ang desisyon lalo pa’t ang pinuno ng MTRCB na si Lala Sotto ay anak ng comedian-turned-politician at dating Senate president na si Tito Sotto.

Co-hosts si Tito ng E.A.T., dahilan para isipin ng ilan na mainit ang mata ni Lala sa rival shows ng programa na kinabibilangan ng ama.

Marami tuloy ang naghihintay kung gagawa rin ng aksiyon ang MTRCB kaugnay sa isyu ni Joey.

Saad ng isang netizen sa X, “It’s Showtime got suspended for doing something completely normal. Joey de Leon, again, making problematic, insensitive jokes about mental health, and their show still goes on.”

May isa namang komento ang nagsabi, “Galaw galaw Lala Sotto palagi kang trending. Joey de leon ipahinto muna baka sabihin mo manghingi lang ng sorry. Inumpisahan mo [sa] Showtime, eh, yan tuloy.”

Bulalas naman ng isa pang netizen, “Kapag talaga nanahimik pa itong si Lala Sotto sa mga corny at walang kwentang patutsada ni Joey De Leon, ewan ko na lang.”

Bago ito, tinawag ng MTRCB ang pansin ng pamunuan ng E.A.T. dahil sa narinig na pagmumura ng co-host na si Wally Bayola sa “Sugod Mga Kapatid” segment noong August 14, 2023.

Sa isang panayam ni Lala ay sinabi nitong hindi pa taos ang imbestigasyon nila tungkol dito.

JOEY DE LEON ON DEPRESSION

Hindi ito ang unang pagkakataong nabatikos si Joey sa kanyang komento na may kinalaman sa sensitibong isyu ng mental health.

Sa Eat Bulaga! noong October 5, 2017 ay binatikos siya nang husto dahil sa kanyang pahayag na “gawa-gawa lang ng mga tao” ang depression.

Kinabukasan, October 6, ay humingi ng paumanhin si Joey sa mga manonood at sa co-host na si Maine Mendoza na kinontra niya nang ipaliwanag nitong seryoso at totoo ang sakit na depression