Kim Chiu admits she was not invited to Maja Salvador’s wedding; happy for Maja and Rambo

May ilang netizens ang nagtaka kung bakit wala si Kim Chiu sa kasal nina Maja Salvador at Rambo Nuñez.

Ikinasal sina Maja at Rambo sa Bali, Indonesia, noong July 31, 2023.

Sa YouTube, binigyang-linaw ni Kim ang tungkol dito.

Nagpaunlak si Kim na sagutin ang ilang katanungan ng netizens sa kanyang bagong vlog na “Cooking Tortang Talong with Q&A” na inilabas sa YouTube kahapon, September 24, 2023.

Isa sa tanong ay kung bakit absent siya sa kasalang Maja at Rambo.

Sa pagkakaalam kasi ng publiko ay malapit na magkaibigan sina Kim at Maja.

Tanong ng netizen, “Bakit po wala kayo sa kasal ni Ate Maja?”

Netizen asks Kim on her absence at maja-rambo wedding

Inamin ni Kim na hindi siya imbitado sa kasal nina Maja at Rambo.

Pero wala raw problema ito sa kanya dahil hindi naman sila “sobrang close” ng kapwa aktres.

Pahayag ni Kim, “Wala. Hindi naman kami sobrang close na ni Maja. And hindi na rin naman kami masyadong nag-uusap.

“And siyempre kapag kasal mo, gusto mo yung mga taong gusto mo lang… gusto mong nandidiyan to witness your love sa partner mo.”

Dagdag pa niyang natatawa, “Hindi ako naimbitahan! Pero okay lang, wala talaga.”

Masaya raw si Kim para kay Maja at nagpalitan naman daw sila ng mensahe.

Lahad niya, “Sobrang happy ko para sa kanya and minessage ko naman siya. And na-touch din ako nung minessage niya ako dahil dun sa nangyari sa ate ko.

“Sabi niya, pinagpi-pray daw niya yung ate ko and sana daw okay lang ako. And nakausap ko siya nung may nangyari sa ate ko.”