Yasser Marta reveals reason for brea.kup with girlfriend Kate Valdez

Yasser Mata and Kate Valdez

Inamin ng Sparkle artist na si Yasser Marta na break na sila ni Kate Valdez.

May tatlong buwan na rin daw nang maghiwalay sila.

Si Kate ay may pagbibidahang teleserye, ang Shining Inheritance; habang si Yasser naman ay may bago ring prime-time series, ang Lovers/Liars, na collab ng GMA-7 at Regal Entertainment.

“Wala naman,” saad ni Yasser nang tanungin kung may kinalaman ang career nila ni Kate sa kanilang hiwalayan.

“Pero siguro rin kasi ngayon, mas pina-prioritize namin—ako, yung Eat Bulaga! at saka itong Lovers/Liars.”

Pero maya-maya pa ay nagpaliwanag si Yasser.

Aniya, “Well, siguro para matapos na. Number one kasi sa akin yung nagkasakit ang nanay ko. Na-stroke siya.

“E, sa bahay, tatlo lang naman kami—ako, nanay ko, at kapatid ko. Noong na-stroke siya, kailangan ko siyang alagaan.”

May apat na buwan na ang nakalipas nang ma-stroke ang nanay niya.

“Sobrang depressed ako noon,” pag-amin ni Yasser.

Hindi raw kaya ni Yasser na pagsabayin ang trabaho, love life, at responsibilidad niya sa pamilya.

“Araw-araw yung trabaho. Kailangan kong mamili talaga.

“E, siyempre, nanay ko pa rin po talaga yon. Kaya yung oras ko, binuhos ko po talaga sa kanya,” paliwanag niya.

Diretsahan naming tinanong si Yasser kung nagkaroon sila ng conflict ni Kate dahil marami sa oras niya, mas nailalaan niya sa ina at sa trabaho.

“Halu-halo na lang,” sabi ni Yasser.

“Ako rin naman ang may problema. Hindi ko alam kung paano pagsasabayin. Ako talaga,” pag-ako niya.

Wala naman daw siyang naging problema sa pamilya o nanay ni Kate.

Ayon kay Yasser, “Si Tita Tere, palagi naman kaming lumalabas. Nag-a-out-of-town-out-of-town pa kami. Mabait yung family. Wala akong masabi.

“It’s just that, sayang ang opportunity, yung work, then yung magulang. Parang isa lang ang katawan ko, baka bumigay ako.”

CLOSURE WITH KATE VALDEZ

Nagkaroon ba sila ng closure ni Kate?

“Nagkausap naman kami nang maayos,” sagot ni Yasser.

Paglalarawan pa niya sa estado nila ngayon ni Kate, “Hindi okay, pero hindi naman yung hindi super okay.

“Wala na kaming communication. Hindi kami nagkikita ulit. Hindi na kami nag-uusap. Siguro, through friends na lang.”

Tumagal din daw ng halos isang taon ang relasyon nila ng kapwa Sparkle artist.

Sa ngayon, sa sobrang kaabalahan niya, hindi na raw muna iniisip ni Yasser kung anuman ang nararamdaman niya.

“Sa totoo lang po, sa sobrang busy, hindi ko na naiisip kung kumusta ako. Parang nagiging auto-pilot na lang na gigising sa umaga, papasok sa taping.

“Pero happy ako sa work, sa friends. Sa Eat Bulaga!, sila ang naging support group ko noong panahon na nag-break kami, nagkasakit si Mama, tinulungan nila ako.”

ON WORKING WITH CLAUDINE BARRETTO

Kasalukuyan nang napapanood sa GMA Telebabad ang Lovers/Liars.

May anggulong romance ang ginagampanang papel ni Yasser at ni Claudine Barretto, na bida sa serye.

May love scene sila na hindi pa raw nakukuhanan.

“Hindi pa namin nasu-shoot, pero nagkakaeksena na kami ni Ms. Claudine. Yung mga casual na usapan. Nakakakilig,” nangiting pag-amin ni Yasser.

Ang pinanggagalingan naman daw ng kilig ni Yasser ay yung maging katambal niya ang beteranang aktres tulad ni Claudine.

“Hindi mo sukat-akalain,” sabi pa niya.

“Isipin mo, ako, galing akong ibang bansa. Hindi naman ako kilalang artista. Dati lang akong extra.

“Tapos naging kaibigan, naging kaibigan ng bida, hanggang sa mabigyan ng break. Ang surreal ng feeling.”

Nakaramdam daw siya ng pagkailang sa umpisa.

“Noong umpisa, intimidated po talaga ako. Noong makita ko siya, nakaka-starstruck, e. Pero noong magkaeksena na kami, ang bait niya.

“And nagka-scene kami sa Timog, ang location namin dun sa tabi ng Ozone… in-open namin yon, nagkakuwentuhan.”

Ang Ozone ay ang dating disco place sa Timog, kunsaan nagkaroon ng malaking trahedya dahil sa sunog na may 162 na taong nasawi.