Yen Santos “love yourself” shared post intrigues netizens

Usap-usapan ngayon sa social media ang latest Instagram Stories ng aktres na si Yen Santos.

Ito’y matapos niyang ibahagi sa kanyang IG Stories ang video clip ng interview ng kapwa aktres na si Heart Evangelista sa Fast Talk With Boy Abunda kamakailan.

Dito ay tinanong ng host na si Boy Abunda kung ano ang maipapayo ni Heart sa kanyang younger self.

Saad ni Heart sa video, “If I were to speak to who I was before, [I would say] stop giving away your heart like it’s candy.

“Treasure yourself. Love yourself. Treasure your heart and your soul. Because that’s what’s gonna save you in the end.”

Yen Santos

Bagamat walang caption na inilagay si Yen sa kanyang shared post, maliban sa naka-tag na username na @riverayanna, umani pa rin ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens.

May ilan ring kinunekta ang pagshe-share ni Yen sa napapabalita nilang hiwalayan ng nobyong si Paolo Contis.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon si Yen kung may kaugnayan nga ba ang kanyang shared IG post sa diumano’y breakup nila ni Paolo.

YEN-PAOLO BREAKUP RUMORS

May 6, 2024, naintriga ang relasyon nina Yen at Paolo nang mapansin ng mapanuring netizens ang pag-unfollow ng aktres sa Kapuso TV host-actor sa Instagram.

Yen Santos unfollows Paolo Contis on Instagram

Ngunit kung susuriin, tanging si Yen lang ang nag-unfollow sa aktor dahil si Paolo ay nananatili pa ring nasa following list niya si Yen.

Yen Santos unfollows Paolo Contis on Instagram

Nasundan pa ito nang tuluyang burahin ni Yen ang birthday IG post niya kay Paolo.

Noong March 14, ipinagdiwang ni Paolo ang kanyang 40th birthday.

Kaugnay nito, nag-post si Yen sa Instagram ng ilang larawan at short video ni Paolo para batiin ang aktor.

Mensahe ni Yen sa caption: “screaming happy 40th birthday to my best friend! [woman and mam holding hands emoji]

“thank you for everything you do. [heart emoji]”

Ngunit ang IG post na ito ni Yen ay hindi na makikita ngayon sa kanyang IG feed, indikasyon na binura na niya o ginawang pribado.

Sa panayam ng PEP Troika kay Paolo noong May 6, nausisa siya tungkol dito.

Ani Paolo, aware siyang tinanggal ni Yen ang birthday post nito sa kanya.

Kung tutuusin, matagal na raw natanggal ang birthday post na iyon at hindi raw alam ng aktor kung ano ang dahilan.

Pagtatapat pa ni Paolo, hindi na siya naninibago sa pag-delete ni Yen ng ibang ipinu-post nito sa Instagram, dahil hindi lang ang birthday post nito para sa kanya ang natanggal kundi meron pang iba.

May 14, muling nakapanayam ng PEP Troika si Paolo. Dito ay muli siyang nausisa sa kasalukuyang estado ng relasyon nila ni Yen.

“Totoo bang break na kayo ni Yen?” diretsahan tanong sa aktor.

“No comment. Libre naman magtanong, pero yun ang sagot ko, no comment,” mabilis na sagot ni Paolo.

Dagdag pa niya, “As I always say, masyado na kayong maraming alam sa buhay ko. So, I’d like to keep my personal life, personal.”

Natanong din si Paolo sa pag-unfollow ni Yen sa kanya sa Instagram.

Sagot ni Paolo sa ilang reporters na nagtanong sa kanya, “Dati pina-follow kita, pina-follow ko si Gorgy [Rula]. Pero in-unfollow ko kayong lahat. Ang ibig sabihin ba, maghihiwalay na tayong lahat?”

Yen Santos "love yourself, treasure your heart" shared post intrigues netizens

YEN-PAOLO RELATIONSHIP

January 2023, kinumpirma ni Paolo sa Fast Talk With Boy Abunda ang matagal nang espekulasyon sa tunay na estado ng relasyon nila ni Yen.

Iyon ang kauna-unahang pagkakataong inamin ni Paolo sa publiko na sila na ni Yen.

Aniya, “Sa amin kasi, kumbaga, what you see is what you get na naman, di ba?

“Hindi na namin puwedeng ipilit yung tao to be happy for us. Hindi namin puwede ipilit yung mga tao na paniwalaan yung gusto nilang paniwalaan.

“Sana isipin lang nila na kung ano lang yung nakikita nila na naka-post, yun lang yung truth na alam nila.”

Bago maganap ang pag-amin, nauna nang itinanggi ni Paolo na si Yen ang dahilan ng hiwalayan nila ni LJ Reyes pagkatapos ng ilang taong pagsasama.

“Hindi. Hindi,” diin ni Paolo.

Sinubukang ipaliwanag ni Paolo kung ano ang dahilan ng pagtatapos ng relasyon nila ni LJ.

Lahad niya, “Somehow medyo matagal na kaming hindi kami okay ni LJ, pero we were together, of course. Napapadalas ang away and everything.

“I think it’s a combination na ng stress sa pandemic and eveything, ‘no.

“One of my biggest mistakes was hindi ko inalala yung mental health ni LJ. Isa yan sa feeling ko simula ng downfall namin, na hindi ko inisip yon.

“Kapag nahihirapan siya during pandemic, ang utak ko, ‘eeeh…’ alam mo yun? ‘Four times a day tayong kumain, chill ka diyan.’ Alam mo yung ganun?

“Plus, again, yung pagdidiskarte ko ng sarili ko, na hindi ko na ini-inform sa kanyang yung mga bagay-bagay, which led to bigger problems.

“So, I won’t divulge na sa isyu na yon, pero eventually, it piled up. Again, hindi kami nag-uusap nang maayos.

“Plus, yun na nga, every time ako nakakalabas ng bahay dahil pandemic, may work… may kalaokohan din akong ginagawa.”

Hindi idinetalye ni Paolo kung ano ang mga “kalokokahan” na ginawa niya.

Pero itinanggi niyang nagkakamabutihan na sila ni Yen noong panahong iyon.

Nilinaw rin ng Kapuso actor ang “as a friend” na sagot niya noon tungkol sa mga kumalat na larawan nila ni Yen na kuha sa Baguio.

Ayon kay Paolo, “Well, yung ‘as a friend,’ nung nag-Baguio kami ni Yen, nasa States na sila LJ nun.

“Nagmukhang baligtad because your [Boy’s] interview with LJ came out, pero wala na kami sa Baguio nun. So, ang feeling ng tao, habang ini-interview si LJ, nasa Baguio ako.

“Pero when you were interviewing LJ, mga one or at least ten days na silang nasa States, I left for Baguio nasa States na sila. Hindi na kami nun.”