Luis Manzano thanks Alden Richards for last-minute save on hosting stint

Personal na nagpasalamat si Luis Manzano kay Alden Richards dahil sa pagsalo ng Kapuso actor sa Kapamilya TV host-actor na may kinalaman sa trabaho.

Guest ni Luis sina Alden at Julia Montes sa kanyang YouTube vlog nitong October 20, 2023.

Sa pagtatapos ng vlog, binanggit ni Luis na hindi niya makakalimutan ang pagsagip sa kanya ni Alden sa isang hosting stint kahit ura-urada ito.

“Naligtas na niya ako dahil may isang event na dapat gagawin ko, a long time ago, hosting…

“Bigla akong di puwede. Sobrang last minute, sinalo ako ni Alden.

“And for that, thank you very much, brother. I appreciate you,” mensahe ni Luis kay Alden.

Nabanggit na ito ni Luis dati, sa YouTube vlog ng asawang si Jessy Mendiola noong February 2021.

Sa vlog ay naglaro sina Luis at Jessy ng “Jojowain o Totropahin.” Sa isang punto ay nabanggit ang pangalan ni Alden.

Dito ay idinetalye ni Luis kung ano ang nangyari sa kanya noon at kung bakit kinailangan niyang umatras sa hosting stint.

Lahad niya, “Dahil si Alden, one time, may hosting ako — nang magkasakit ako. Last minute, nanginginig ako sa fever…

“Kaya last minute, si Alden ang gumawa ng hosting job ko. Kaya, thank you brother sa ginawa mong iyon.”

Speaking of trabahong hindi nagawa, ibinahagi rin ni Luis ang pagkakatanggal niya noon sa isang ABS-CBN serye na ikinagulat niya.

LUIS SURPRISED TO HAVE BEEN REPLACED IN A TELESERYE

Sa kanyang vlog, kasama sina Julia at Alden, ikinuwento ni Luis ang biglaang pagpalit sa kanya sa isang serye.

Ito ay ang teleseryeng The Wedding (2009) at makakakasama dapat niya sina Anne Curtis at Zanjoe Marudo.

Simula ni Luis, “Gagawa dapat ako ng isang teleserye sa ABS, yung The Wedding.

“Tapos pina-workshop ako kay Miss Beverly [Vergel]. Yung karakter ko, OC [obsessive compulsive].

Sa ilalim ni Beverly, nakapaghanda raw si Luis para sa kanyang gagampanang karakter.

Pagpapatuloy ng TV host, “Hanggang sa nakuha ko na yung karakter ko, tapos yung call time ko nung kinabukasan, pinack up ako. Sabi sa akin, ‘Luis, pack-up ka muna, ha.’”

Wala naman daw naisip na kakaiba si Luis.

Tinawagan daw niya sina Zanjoe at Anne, pero sinabi kay Luis na tuloy sila sa taping.

“’Tapos, kinabukasan, nag-message si Tita June [Rufino, her manager], ‘Anak, pinalitan ka na sa show,’” sabay tawa n Luis.

Natatawa pa ring pagpapatuloyniya, “Kung kelan nakuha ko na yung karakter ko, tinanggal ako sa show. Yung pack-up ko pala, sa buong programa, hindi lang taping day lang.”